• All e-books and audiobooks on The New Life Mission website are free
  • Explore multilingual sermons in global languages
  • Two new revised editions in English have been released
  • Check out our website translated into 27 languages
Search

Sermons

Paksa 1: Kasalanan

[1-2] ANG TAO AY ISINILANG NA MAKASALANAN (Marcos 7:20:23)

2021.04.10 99
(Marcos 7:20:23)
“Nagpatuloy si Hesus sa pagsasalita: ‘ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao at siyang nagpaparumi sa kanya.’”
 
 
ANG MGA TAO AY LITO AT NAMUMUHAY SA KANILANG SARILING ILUSYON
 
Sino ang higit na maliligtas?
Ang nag-iisip na siya ang pinaka makasalanang tao sa buong mundo.

Una sa lahat, nais kong tanungin kayo. Ano ang palagay mo sa iyong sarili? Ikaw ba ay ganap na mabuti o ganap na masama? Ano sa palagay mo?
Lahat ng tao ay namumuhay sa sarili nilang ilusyon. Maaring ikaw ay hindi kasing-sama ng iniisip mo o kasing-buti ng iyong palagay.
Kaya sino sa palagay mo ang hahantong sa mas mabuting buhay na pananampalataya? Sila ba na nag-iisip sa kanilang sarili na mabuti o sila na nagpapalagay na sila’y masama?
Ang kasagutan ay ang huli. Hayaan mo akong magtanong sa iyo ng isa pang katanungan. Sino ang higit na maaaring maligtas? Iyon bang nakagawa ng maraming kasalanan o iyong mga kakaunti lang? Ang mas maraming nagawang kasalanan ang higit na maaaring maligtas dahil alam nila sa sarili nila na sila ay makasalanan. Higit na matatanggap nila ang kanilang kaligtasan na inihanda ni Hesus para sa kanila.
Kung titignan nating mabuti ang ating mga sarili, makikita natin na napakarami ng ating mga kasalanan. Ano ang tao? Ang isang tao ay isang binhi lamang ng mga gumagawa ng masama. Sa Isaias 59, sinasabi na maraming uri ng kasamaan sa puso ng tao. Samakatuwid, ang tao ay napakamakasalanan. Ngunit kung kikilalanin natin ang tao na isang napakamakasalanan, marami ang hindi sasang-ayon. Ang pagkilala sa tao na “punla na mapaggawa ng kasalanan” ay ang tamang paliwanag. Kung matapat nating titingnan ang ating mga sarili, tayo na mismo ang magpapasya na tayo’y mga diyablo. Iyong mga tapat sa kanilang sarili ay ganito ang maipapasya.
Ngunit maaaring hindi ganoon karami ang tatanggap na sila’y napakamakasalanan. Marami ang maginhawang namumuhay dahil hindi nila ipinapalagay na sila’y makasalanan. Dahil tayo’y masasama, nakalikha tayo ng makasalanang sibilisasyon. Kung hindi lang sana ganoon karami ang hindi umaamin ng kanilang pagiging makasalanan, mahihiya sila na magkasala. Ngunit napakarami ng tulad nila na hindi nahihiya sa sarili nila.
Ngunit alam ito ng kanilang konsensiya. Lahat ay may konsensya na nagsasabi sa kanya, “Ito ay nakakahiya.” Si Adan at Eba ay nagtago sa mga puno pagkatapos nilang magkasala. Ngayon maraming makasalanang nagtatago sa likod ng ating maruming kultura – ang ating kultura ng kasalanan. Sila ay nagtatago sa kanilang mga kapwa makasalanan upang iwasan ang hatol ng Diyos.
Ang tao ay nalinlang ng kanilang mga ilusyon. Ipinapalagay nila ang kanilang mga sarili na mas banal kaysa sa iba. Sila ay sumisigaw sa pagkakamaling, “Paano magagawa ng tao ang ganoong bagay? Paano magagawa ng taong matino iyan? Paano magagawa ng isang anak ang ganyan sa kanyang sariling magulang?” Sila mismo ay nag-iisip na hindi nila gagawin ang ganoong mga bagay.
Mahal kong mga kaibigan, napakahirap maintindihan ang naturalesa ng tao. Kung talagang nais nating makilala kung ano tayo, kailangan muna nating maligtas. Ito ay napakahabang proseso, at napakarami sa atin na hindi nakakaalam nito hanggang sa araw ng ating pagpanaw.
 
 
KILALANIN MO ANG IYONG SARILI
 
Paano nabubuhay ang isang taong hindi nakakakilala sa kanyang sarili?
Siya ay nabubuhay sa pagtatago ng kanyang sarili.

Minsan tinitingnan natin ang isang tao at nakikita natin na hindi niya talaga kilala ang kanyang sarili. Sinabi ni Socrates, “kilalanin mo ang iyong sarili.” Ang ibang mga tao ay hindi alam kung ano ang nasa puso nila. Pagpatay, pagnanakaw, pagnanasa, kasamaan, pagdaraya, pagmamalabis, masamang pananaw…
Siya ay may kamandag ng ahas sa kanyang puso ngunit nagwiwika ng kabutihan. Ito ay dahil hindi niya batid na siya’y isinilang na makasalanan.
Marami ngayon sa mundo ang hindi nakakaalam kung paano titingnan ang kanilang sarili. Sila ay nalilinlang ng kanilang sarili at sila’y namumuhay na nababalot ng kanilang sariling pandaraya. Itinatapon nila ang kanilang sarili sa impiyerno. Sila ay mapupunta sa impiyerno dahil sa kanilang sariling panlilinlang.
 
 
ANG TAO AY PATULOY NA NAGTATAPON NG KASALANAN SA BUONG BUHAY NILA
 
Bakit sila mapupunta sa impiyerno?
Dahil hindi nila kilala ang sarili nila.
 
Basahin natin ang Marcos 7:20-23. “Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao - nagmumula ang masasamang isipan nag-uudyok sa kanya na maki-apid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao at siyang nagpaparumi sa kanya.” Ang puso ng tao ay puno ng masasamang kaisipan mula pa sa araw na siya’y ipagbuntis.
Ipagpalagay natin na ang puso ng tao ay yari sa basong babasagin at punong-puno ng maruming likido, ang ating mga kasalanan. Ano ang mangyayari kung ang tao ay gagalaw pabalik at pasulong? Siyempre tatapon ang maruming likido (kasalanan). Habang siya’y gumagalaw ng paroo’t parito ang likido ay patuloy na liligwak.
Tayo, na punong-puno ng kasalanan ay namumuhay nang tulad ng ganoon. Lumiligwak ang ating mga kasalanan saan man tayo pumunta. Tayo ay magkakasala habang buhay dahil tayo ay bulto ng kasalanan.
Ang problema ay hindi natin natatanto na tayo’y puno ng kasalanan at tayo nga ay mga punla ng kasalanan. Tayo ay napakamakasalanan at may damdaming makasalanan sa ating mga puso. Ganito ang tao.
Ang bulto ng kasalanang ito ay handang lumigwak. Ang kasalanan ng tao ay ang isipin na siya ay hindi nagmana ng pagkakasala kundi dala lang ng mga nakapaligid sa kanya at ito ay hindi niya kasalanan.
Kaya kahit na siya ay gumagawa ng kasalanan, iniisip niya na ang kailangan niyang gawin ay hugasan ito upang malinis. Patuloy niyang hinuhugasan ito sa tuwing ito’y tumatapon, habang sinasabi niya sa kanyang sarili na hindi niya ito kasalanan. Dahil sa nililinis natin ito, hindi na ba natin ito muling itinatapon? Kakailanganin nating linisin ito ng paulit-ulit.
Kung ang baso ay puno ng kasalanan, ito ay patuloy na liligwak. Walang silbi kung pupunasan ang labas nito. Samantalang madalas nating punasan ang panlabas nating moralidad, ito ay balewala hanggang tayo ay mayroon basong puno ng kasalanan.
Ang tao ay isinilang na punong-puno ng kasalanan kaya ang puso niya ay hindi mauubusan gaano man karami ang kasalanan na itapon natin sa ating dinaraanan. Samakatuwid, tayo ay patuloy na nagkakasala sa buong buhay natin.
Habang hindi nababatid ng tao na siya’y napakamakasalanan, siya ay patuloy na nagtatago. Ang kasalanan ay nasa puso ng tao at ito ay hindi maaalis sa pamamagitan ng pagpunas sa labas upang malinis. Siya’y magtatapon ng kaunti at pupunasan niya ito ng panlampaso, ang tuwalya, ng alpombra… Patuloy siyang nag-iisip na kapag pinunasan niya itong muli, ito ay magiging malinis…pero ito’y liligwak ng paulit-ulit.
Gaano katagal sa palagay mo ito magpapatuloy? Ito ay magpapatuloy hanggang sa siya ay mamatay. Ang tao ay patuloy na magkakasala hanggang sa kanyang kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit dapat tayong maniwala kay Hesus upang maligtas. At upang maligtas, dapat nating makilala ang ating sarili.
 
Sino ang maaaring tumanggap kay Hesus?
Ang mga makasalanan na tinatanggap na sila ay nakagawa ng napakaraming kasalanan.
 
Sabihin nating may dalawang tao tulad ng dalawang basong puno ng maruming likido. Ang dalawang baso ay kapwa puno ng kasalanan. Ang isa ay titingin sa kaniyang sarili ay magwiwika, “Aba, ako ay talagang taong makasalanan.” Pagkatapos, siya’y sumuko at naghanap ng makatutulong sa kanya.
Ngunit ang isa ay nag-iisip na hindi siya gaanong makasalanan. Hindi n’ya nakikita ang dami ng kanyang kasalanan at iniisip na hindi siya makasalanan. Sa buong-buhay niya ay pinipilit niyang punasan ang mga natatapon. Pinupunasan niya ang isang bahagi at pagkatapos ay ang kabila…nang mabilis pupunta sa iba pang bahagi.
Napakarami ang namumuhay na maingat na maingat sa buong buhay nila na huwag lumigwak ang kanilang maliliit na kasalanan mula sa kanilang mga puso. Ngunit dahil sila ay may kasalanan pa rin sa kanilang mga puso, ano ang magagawa nito? Ang pagiging maingat ay hindi makapaglalapit sa kanila sa langit. Ang pagiging maingat ang nagdadala sa kanila sa daan patungong impiyerno.
Mahal kong mga kaibigan, ‘ang pagiging maingat’ ay nagdadala lang sa atin sa impiyerno. Kapag sila’y maingat, ang kanilang kasalanan ay hindi gaanong liligwak. Ngunit sila pa rin ay makasalanang mapagkunwari.
Ano ang nasa puso ng tao? Kasalanan? Imoralidad? Oo! Masasamang pag-iisip? Oo! Pagnanakaw? Oo! Pagmamataas? Oo!
Hindi natin mapigilang umamin sa katotohanan na tayo ay maraming mga kasalanan, lalo na kung nakikita natin ang ating sarili na kumikilos nang may kasalanan at masama, nang hindi tayo tinuruan na gawin ito.
Maaaring hindi ito maliwanag noong bata pa tayo. Ngunit paano na ito habang tayo’y tumatanda? Habang tayo’y tumutuntong sa mataas na paaralan, sa kolehiyo, sa ating pagtanda…ating nababatid na ang nasa loob natin ay kasalanan. Tama ba? At nagiging imposibleng itago ito. Tama ba? Patuloy nating itinatapon ito. At tayo’y hindi nagbabago. Bakit? Dahil ang bawat isa sa atin ay isinilang na puno ng kasalanan.
Hindi tayo nalilinis sa pagiging maingat. Ang kailangan nating malaman ay tayo’y isinilang na puno ng kasalanan upang tayo’y ganap na maligtas. Ang mga makasalanan lamang na ganap na tumanggap ng kaligatasan na inihanda ni Hesus ang maliligtas.
Pero ang mga nag-iisip na “Hindi ako nakagawa ng kamalian. Ako ay hindi nagkasala ng ganoong karami.” Ay hindi naniniwala na inalis ni Hesus ang kanilang mga kasalanan at sila’y mapupunta sa impiyerno. Kailangan nating malaman na mayroon tayong napakaraming kasalanan sa loob natin. Tayo’y isinilang kakambal ng mga ito.
Kung ika’y nag-iisip na, “Hindi ako nakagawa ng ganoong karaming pagkakasala, kung ako lamang ay maliligtas para sa ganito kaliit na kasalanan,” ikaw ba’y makalalaya sa kasalanan pagkatapos? Hindi kailanman.
Ang nakakaalam na siya’y maliligtas ay nakakaalam rin na siya ay napakamakasalanan. At siya’y naniniwala na si Hesus ang nag-alis ng lahat ng kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo sa ilog Jordan at Kanyang tinunaw ang mga ito sa krus.
Tayo man ay maligtas o hindi, tayong lahat ay namumuhay sa ilusyon. Tayo ay napakamakasalanan. Ganoon tayo. Tayo ay maliligtas lamang kung tayo’y maniniwala na si Hesus ang nag-alis ng lahat ng ating mga kasalanan.
 
 
ANG DIYOS AY HINDI INILIGTAS YAONG MGA MAY ‘KAKAUNTING KASALANAN’
 
Sino ang nandaraya sa Panginoon?
Siya na humihingi ng kapatawaran sa pang-araw-araw na kasalanan.

Ang Diyos ay hindi iniligtas yaong mga may ‘kakaunting kasalanan.’ Ang Diyos ay hindi man lamang sumusulyap sa mga nagsasabing. “Diyos ko, ako ay may ganito kaliit na kasalanan.” Ang mga tinitingnan Niya ay ang mga nagsasabing, “Diyos ko, ako po ay lubhang makasalanan. Ako ay mapupunta sa impiyerno. Pakiusap, tulungan n’yo po ako.” Ang mga ganap na makasalanan na nagsasabing, “Diyos ko, ako ay maliligtas lamang kung ako’y Iyong ililigtas. Hindi na ako maaaring magsisi pa muli dahil ako ay patuloy lang na magkakasala. Pakiusap, iligtas niyo po ako.”
Inililigtas ng Diyos ang mga umaasa sa Kanya ng lubusan. Sinubukan ko rin ito. Ngunit ang pagsisisi ay hindi kailanman makapagpapalaya sa atin sa kasalanan. “Diyos ko, pakiusap maawa ka sa akin at iligtas mo ako sa kasalanan.” Ang mga naniniwala sa kaligtasan ng Diyos, ang bautismo ni Hesus sa pamamagitan ni Juan Bautista. Sila ang maliligtas.
Inililigtas lamang ng Diyos ang mga nakakakilala sa kanilang mga sarili bilang makasalanan, at punla ng kasalanan. Iyong mga nagsasabing, “Ako ay nakagawa nitong maliit na kasalanan. Pakiusap patawarin Mo ako para dito,” ay makasalanan pa rin at hindi sila maililigtas ng Diyos. Inililigtas lamang ng Diyos ang mga nakakaalam sa kanilang sarili na sila’y punong-puno ng kasalanan.
Nasusulat sa Isaias 59:1-2, “Si Yahweh ang laging malakas upang iligtas ka. Hindi Siya bingi at ang mga daing mo ay diringgin Niya. Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo.”
Dahil ang tao’y isinilang na makasalanan, ang Diyos ay hindi makatingin sa kanya nang may pag-giliw. Ito ay hindi dahil umikli ang kamay Niya o mabigat ang kanyang tainga upang hindi tayo marinig na humihingi ng Kanyang kapatawaran.
Sinabi ng Diyos sa atin, “Ngunit ang sala mo ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo.” Dahil sa tayo ay may napakaraming kasalanan sa ating puso, hindi tayo makakapasok sa langit kahit na ang mga pinto nito’y bukas na bukas.
Kung ang tao, puno ng kasalanan, ay humihingi ng tawad sa tuwing siya’y magkakasala, kakailanganin na paulit-ulit na iyalay ng Diyos ang Kanyang Anak. Ayaw itong gawin ng Diyos, kaya sinabi Niya, “Huwag kayong lumapit sa akin araw-araw para sa inyong mga kasalanan. Ibinigay ko ang Anak ko sa inyo para iligtas kayo sa lahat ng kasalanan. Ang kailangan n’yo lang gawin ay intindihin kung paano Niya inalis ang inyong mga kasalanan at tingnan kung ito ang katotohanan. Pagkatapos, ay maniwala kayo sa ebanghelyo ng kaligtasan para maligtas. Ito ang aking walang katumbas ng pagmamahal para sa inyo, aking mga nilikha.”
Ito ay kanyang sinasabi sa atin, “Maniwala kayo sa aking Anak at kayo’y maliligtas. Ako, ang inyong Diyos, ay nagsugo ng aking sariling anak para pagbayarin sa lahat ng inyong mga kasalanan at kasamaan maniwala kayo sa Aking Anak at kayo’y maliligtas.”
Sa mga hindi nakakakilala sa kanilang mga sarili na napakamakasalanan ay humiling lang ng tawad para sa kanilang maliliit na kasalanan. Sila ay lumalapit sa Kanya na hindi nalalaman kung gaano katerible ang laki ng kanilang mga kasalanan at nananalangin, “Pakiusap patawarin Mo ako dito sa maliit kong kasalanan. Hindi ko na ito muling gagawin.”
Sinusubukan din nilang dayain Siya. Hindi tayo nagkakasala ng minsan kundi tuloy-tuloy hanggang tayo ay mamatay. Kakailanganin nilang patuloy na humingi ng kapatawaran hanggang sa huling araw ng kanilang buhay.
Ang mapatawad sa maliit na pagkakasala ay hindi makakapag resolba ng anuman dahil tayo’y nagkakasala araw-araw ng ating buhay hanggang tayo’y mamatay. Kaya ang tanging paraan upang tayo’y mapalaya sa ating mga kasalanan ay ang ibigay ang lahat ng ating kasalanan kay Hesus.
 
Ano ang tao?
Isang bulto ng kasalanan.

Sa Bibliya ay nasusulat ang mga kasalanan ng tao. Sa Isaias 59:3-8, “Nagkasala kayo, natigmak sa dugo iyang inyong kamay, at sa inyong labi ang namumutawi’y kasinungalingan. Hindi kayo tapat kapag nagsusumbong, di rin nagtatapat kung may sakdal kayong ipinaghahabol. Ang batayan ninyo’y kasinungalingan gawa-gawa lamang, at ang iniisip ninyo ay masasama at pusong kaguluhan. Gumagawa sila ng bahay-gagamba, at itlog ng ahas, pinipisa nila. Sinumang kumain ng itlog nito’y mamamatay. Bawat napipisa ay isang ulupong yaong nakikita. Ang hinabi nila’y hindi magagamit, pagkat walang taong magsusuot nitong damit na panakip. Ang mga ginawa nila’y kasamaan, pawang panggugulo yaong ginagawa ng kanilang kamay. Mga taong ito sa gawang masama’y mabilis ang paa, mabilis ang kamay magbubo ng dugo ng mga sala. Pag-iisip nila sa bawat sandali’y pawang kasamaan, mga paninira at pananalanta ang layon sa buhay. Landas na patungo sa kapayapaa’y hindi nila alam. Ang nilalakara’y daang mapanganib, walang katarungan. Ang landas na ito ay paliko-liko’t walang katiyakan, kapag sinundan mo’y palagi nang gulo ang kasusuungan.”
Ang mga daliri ng tao ay pinasasama ng pang-aapi at sila’y gumagawa para sa diyablo sa buong buhay nila. Lahat ng kanilang ginagawa ay kasamaan. At ang ating mga dila ay nagsalita ng mga kasinungalingan. Lahat ng lumalabas sa ating bibig ay kasinungalingan.
“Kung ang diyablo’y nagsisinungaling, ito ay likas na sa kanya” (Juan 8:44). Iyong mga hindi isinilang muli ay nais magwika na, “Ako ay nagsasabi sa’yo ng katotohanan…ako ay talagang nagsasabi anuman ang aking sinasabi, ito ang katotohanan.” Ngunit lahat ng ito ay kasinungalingan. Tulad ito ng nasusulat. “Kung ang diyablo’y nagsisinungaling. Ito ay likas sa kanya.”
Ang tao ay nagtitiwala sa mga salitang walang laman at nagsasalita ng kasinungalingan. Ang tao ay nag-iisip at nagdadala ng kasamaan. Ang tao ay pumipisa ng itlog ng ahas at gumagawa ng bahay-gagamba. Sinasabi ng Diyos, “Sinumang kumain ng itlog nito’y mamamatay at sa bawat napipisa ay isang ulupong ang iyong makikita.” Sinasabi Niya na mayroong mga itlog ng ahas sa inyong puso. Itlog ng Ahas! May kasamaan sa inyong puso. Maliligtas lang kayo sa pamamagitan ng paniniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng dugo.
Sa tuwing ako’y nagsisimulang mangusap tungkol sa Dios, may mga tao na nagsasabing, “O, aking mahal. Pakiusap huwag mo akong kausapin ng tungkol sa Dios. Sa tuwing ako’y sumusubok na gumagawa ang isang bagay, lumalabas ang kasalanan sa akin. Ito ay kusang umaagos palabas. Hindi man lang ako makahakbang na hindi nagkakalat ng kasalanan. Wala akong magawa. Ako ay punong-puno ng kasalanan. Kaya huwag mo akong kausapin tungkol sa Diyos.”
Ang taong ito ay siguradong nababatid na siya ay puno ng kasalanan ngunit hindi niya lang alam na maililigtas siya ng ebanghelyo. Ang mga nakakaalam na sila ay napakamakasalanan ay maliligtas.
Sa totoo nga, lahat ay tulad niyon. Lahat ay naglalabas ng kasalanan. Ito ay kusang umaapaw dahil ang tao ay napakamakasalanan. Ang paraan para mailigtas ang isang tao tulad nito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi ba ito kamangha-mangha? Ang mga nagtatapon ng kasalanan sa tuwing sila ay naguguluhan, nagsasaya, komportable… ay maliligtas lamang sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang mga taong makasalanan. 
At Siya ay ganap na nagligtas para sa iyong kasalanan. Kilalanin mo na ikaw ay lubhang makasalanan at ikaw ay maliligtas.