• All e-books and audiobooks on The New Life Mission website are free
  • Explore multilingual sermons in global languages
  • Two new revised editions in English have been released
  • Check out our website translated into 27 languages
Search

Sermons

Paksa 3: Ang Ebanghelyo ng Tubig at ng Espiritu

[3-9] SUNDIN NATIN ANG KALOOBAN NG AMA NANG MAY PANANAMPALATAYA (Mateo 7:21-23)

2021.04.11 38
(Mateo 7:21-23)
“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit.’ Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangapalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’ At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!’”
 
 
MAAARING ISA AKO…
 
Ang lahat ba ng tumatawag ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay makapapasok sa kaharian ng langit?
Hindi. Yaon lamang sumusunod sa kalooban ng Diyos.

Sinabi ni Jesu-Cristo, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit.” Ang mga salitang ito ang magdudulot ng takot sa puso ng maraming Kristiyano, nagiging dahilan upang pagsikapan nilang sundin ang kalooban ng Diyos.
Karamihan sa mga Kristiyano’y iniisip lamang kung paano sila magtitiwala kay Jesus upang makapasok sa kaharian ng langit, subalit sinasabi sa Mateo 7:21 na hindi lahat ng tumatawag sa Kanya ng ‘Panginoon, Panginoon,’ ay mapapasok sa kaharian ng langit.
Maraming nagbabasa ng talatang ito ang humantong sa pagtataka “Maaaring isa ako.” Pilit nilang pinaniniwala ang kanilang mga sarili, “Hindi, ang ibig sigurong sabihin ni Jesus ay yaong mga hindi mananampalataya.” Ngunit ang pag-aakala ay nanatili sa kanilang mga isipan at patuloy na inuusig sila.
Kaya’t sila’y humihinto sa huling bahagi ng talatang ito na nagsasabing, “kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit.” Nakakapit sila sa salitang, “gumaganap ng kalooban ng Aking Ama” at inaakalang sila’y nakasusunod sa pamamagitan ng matapat na pagkakaloob ng ikapu, pananalangin sa bukang-liwayway, pangangaral, paggawa ng mabuti, at hindi pagkakasala…at pilit nila itong matupad. Nahahabag akong makita sila sa ganong kalagayan.
Marami ang nakagagawa ng pagkakamali dahil hindi nila ganap na nauunawan ang sinasabi ng talatang ito. Kung kaya’t nais kong malinaw na ipaliwanag ang talatang ito upang malaman nating lahat ang kalooban ng Diyos at ipamuhay ito.
Una, kailangan nating malaman na ang kalooban ng Diyos ay sa Kanyang Anak upang alisin ang kasalanan ng lahat ng tao at palayain tayo mula sa pagkakasala.
Sa Efeso 1:5 ay nasusulat, “Na tayo’y itinalaga Niyan nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo sa ganang Kaniya, ayon sa minagaling ng Kaniyang kalooban.”
Sa madaling salita, ang Kanyang layunin ay malaman natin ang totoong ebanghelyo na si Jesu-Cristo ang naglinis ng lahat nating mga kasalanan, upang tayo’y ipanganak na muli. Nais Niyang muli tayong ipanganak na muli sa tubig at sa Espiritu sa pamamagitan ng pagsuko ng ating mga kasalanan sa Kanyang Anak. Ito ang kalooban ng Diyos.
 
 
SA PAGTAWAG LAMANG NG, “PANGINOON! PANGINOON!”
 
Ano ang dapat nating malaman kung tayo’y naniniwala kay Jesus?
Ang kalooban ng Ama.

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).
Dapat nating maunawaan na ang kalooban ng Ama ay nahahati sa dalawang paraan. Una, dapat nating malaman na ito’y Kanyang kalooban na ating makamit ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at muling isilang sa tubig at sa Espiritu. Pangalawa, dapat tayong kumilos ayon sa pananampalata.
Kalooban Niya na linisin lahat ng kasalanan ng mga tao sa sanlibutan. Ibinulid ni Satanas ang ating ninunong si Adan sa kasalanan. Ngunit ang kalooban ng Ama ay linisin lahat ng kasalanan ng tao. Dapat nating maunawaan na hindi kalooban ng ating Ama sa atin na magkaloob ng ikapu na may katapatan at manalangin sa bukang-liwayway, kundi tayo’y iligtas sa lahat ng kasalanan. Ito ang Kanyang kalooban na iligtas ang tao sa pagkalugmok sa kasalanan.
Sinasabi sa Biblia na hindi lahat ng tumatawag ng “Panginoon, Panginoon,” ay makapapasok sa kaharian ng langit. Ipinapahayag lamang nito na hindi lang dapat tayong maniwala kay Jesus, kundi dapat din nating malaman kung ano ang nais ng Ama para sa atin. At ito ay ang iligtas tayo mula sa kasalanan at hatol sa impiyerno, batid natin na hindi natin kayang tulungan ang ating sarili kundi ang patuloy tayong mamuhay sa kasalanang minana natin kay Eba’t Adan.
 
 
ANG KALOOBAN NG DIYOS
 
Ano ang kalooban ng Diyos?
Upang tayo’y Kanyang maging mga anak sa pamamagitan ng paglaya natin sa kasalanan.

Sinasabi sa Mateo 3:15, “Payagan mo ngayon, sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran.” Ito ang nagbigay katuparan sa plano ng Diyos na si Jesus ay dumating sa sanlibutan upang Kanya tayong iligtas sa kasalanan. Ang kalooban ng Diyos ay natupad nang si Jesus ay nabautismuhan ni Juan Bautista.
Nais Niya tayo’y maligtas at Kanyang maging mga anak. Upang mangyari ito, ang Kanyang Anak ay kailangang alisin ang ating mga kasalanan. Ito ang Kanyang kalooban upang ang lahat ng tao ay Kanyang maging mga anak. Kaya’t sinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang hugasan ang mga tao na nahulog sa kamay ni Satanas. Ito ang Kanyang kalooban na ihandog ang buhay ng Kanyang Anak para sa mga tao upang Kanyang maging mga anak.
Nang si Jesus ay binautismo at namatay sa krus, nagkaroon ng katuparan ang kalooban ng Diyos. Ito rin ang Kanyang kalooban sa atin na maniwala na ang lahat ng ating kasalanan ay natubos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus.
“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak” (Juan 3:16). Iniligtas ng Diyos ang tao sa kasalanan. Upang maisakatuparan ito, unang ginawa ni Jesus sa ministeryo ay ang magpabautismo kay Juan Bautista.
“Nguni’t pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, ‘Payagan mo ngayon, sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran’” (Mateo 3:15). Ito ang naging kalooban ng Diyos na si Jesus ay isugo sa sanlibutan, inalis ang kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo, kamatayan sa krus at muling pagkabuhay.
Kailangang ganap natin itong maunawaan. Maraming tao ang nakabasa ng Mateo 7:21 at inakala na ang Kanyang kalooban sa atin ay maglingkod sa Panginoon, hanggang sa kamatayan, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga kayamanan upang makapagpatayo ng mga simbahan.
Mga kasamang Kristiyano, tayong naniniwala kay Jesus ay dapat munang malaman ang kalooban ng Diyos at gawin ito. Isang kamalian sa iyo na italaga ang iyong sarili sa iglesya na hindi nalalaman ang Kanyang kalooban.
Ang mga tao’y nagtatanong sa kanilang sarili kung ano pa bang hahanapin kundi ang mamuhay sa pananampalatayang pinag-kaugaliang iglesya. Ngunit ako mismo ay nag-aral ng Calvinismo sa Iglesya ng Presbitero at lumaking ampon ng isang magulang na relihiyoso tulad ng iba pang beteranong pastor. Ako’y natuto sa sinasabi nilang pinag-kaugaliang iglesya.
Sinabi ni apostol Pablo na kaya rin niyang ipagmalaki na siya ay nagmula sa lahi ni Benjamin at pinag–aralan ang kautusan ni Gamaliel, isa sa pinakadalubhasang guro noong panahong iyon. Bago isilang namuli si apostol Pablo, naging isa siya sa mga humuhuli sa mga naniniwala kay Jesus. Subali’t natagpuan niya ang pananampalataya kay Jesus sa daan patungo sa Damascus at naging matuwid sa pamamagitan ng biyaya ng pagsilang na muli sa tubig at sa Espiritu.
 
 
KAILANGANG MUNA NATING MALAMAN ANG KALOOBAN NG DIYOS BAGO NATIN ITO ISAGAWA
 
Ano ang nararapat bago tayo maniwala kay Jesus?
Kailangan muna nating malaman ang Kanyang kalooban.

Ang ating kabanalan ay kalooban ng Diyos. “Ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal na kayo’y magsiilag sa pakikiapid” (1 Tesalonica 4:3). Alam natin na ito ang kalooban ng Diyos na tayo’y lubos na malinis sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu at mamuhay ng may pananampalataya sa ating mga buhay.
Kung mayroong isang naniniwala kay Jesus subalit may kasalanan pa rin sa kanyang puso, siya ay namumuhay na di-naaayon sa kalooban ng Diyos. Sa pagsunod sa Kanyang kalooban, kinakailangan tayong maging-banal sa pamamagitan ng kaligtasang masumsumpungan kay Jesus. Upang mabatid ito ay marapat munang gawin ang kalooban ng Diyos.
Kung tatanungin ko kayo, “Mayroon pa bang nananatiling kasalanan sa inyong mga puso kahit kayo’y naniniwala kay Jesus?” At ang inyong kasagutan ay oo, kung gayon malinaw na hindi pa ninyo nalalaman ang kalooban ng Diyos. Ito ang Kanyang kaloobang dapat tayong mahugasan at maligtas mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa tubig at sa Espiritu.
May isang lalaking may mga anak na masunurin. Isang araw tinawag niya ang kanyang panganay na anak, ang pinakamasunurin, at sinabi, “Anak, magtungo ka sa kabilang ibayo…”
Bago siya makatapos sa pagsasalita, sumagot agad ang kanyang anak, “Opo, Ama” at siya’y pumaroon na. Hindi niya hinintay na malaman kung ano ang dapat niyang gawin doon. Basta na lang siyang umalis.
Tinawag siya ng kanyang ama, “Anak, naging mabuti ka sa pagiging masunurin mo subalit dapat mong malaman kung ano ang nais kong ipagawa sa iyo.”
Ngunit sumagot ang anak, “Walang anuman Ama. Susunod ako sa inyo. Sino ang makakasunod sa inyo ng higit pa sa akin?”
Ngunit dumating siya ng walang dala. Wala siyang paraan para magawa ang kalooban ng kanyang ama dahil hindi niya alam ang kanyang kailangan. Siya’y bulag na sumunod.
Maaaaring maging tulad niya tayo kung di natin kilala si Jesu-Cristo. Marami ang nag–aalay ng kanilang sarili, sumusunod sa mga teolohikal na doktrina, matapat na nagbibigay ng ikapu, nananalangin gabi–gabi, nangingilin.. at iba pa na walang kaalaman sa kalooban ng Diyos.
Kapag sila’y namatay na may kasalanan sa kanilang mga puso, sila’y itataboy sa pinto ng langit. Sila’y may pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos subali’t di nila alam kung ano ang nais Niya.
 
Ano ang ibig sabihin ng mapaggawa ng masama?
Ang maniwala kay Jesus bilang makasalanan samantalang hindi nila nalalaman ang ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.

“Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangapalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’ At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!’” (Mateo 7:22-23).
May mga bagay na nais ang Diyos na ipagawa sa atin at naroon yung pananampalataya na Kanyang kailangan sa atin. Nais Niyang maniwala tayo na si Jesus ang nag-alis ng ating kasalanan. Maraming manghuhula, nagpapalayas ng demonyo, at gumagawa ng mga kababalaghan sa Kanyang pangalan na hindi nalalaman ang katotohanan ng tubig at ng Espiritu. 
Ang paggawa ng kababalaghan ay nangangahulugan ng magbuo ng maraming iglesya, ipagbili lahat ng kanilang ari-arian upang ihandog sa iglesya, italaga ang sariling buhay sa Panginoon, iilan lang ito sa maraming mga bagay.
Manghula sa Kanyang pangalan ay nangangahulugan na maging puno. Ang gayong tao ay tulad ng mga Fariseong nagmamataas na sila’y namumuhay sa Kautusan habang sinasalungat si Jesus. Ito’y natutulad din sa pagiging kinaugaliang Kristiyano.
Ang pagpapaalis ng demonyo ay ang pagsasanay ng kapangyarihan. Silang lahat ay maalab sa kanilang pananampalataya, ngunit sasabihin sa kanila ng Panginoon sa huli na hindi Niya sila nakikilala. Tatanungin Niya sila kung paano nila Siya nakilala gayong hindi sila kilala ni Jesus. 
Sinasabi ng Panginoon, “At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!’” Sa araw na iyon, maraming tao ang sisigaw sa Kanya, “Panginoon, ako’y naniniwala. Ako’y naniniwala na Ikaw ang aking Tagapagligtas.” Sasabihin nilang mahal nila Siya ngunit sila’y may kasalanan sa kanilang mga puso. Tumatawag sila ng Panginoon gayong mapaggawa ng masama (ang mga makasalanan na hindi natubos) at sasabihin sa kanilang lumayo sa Kanya.
Sa araw na iyon, yaong mga namatay na hindi naisilang na muli ay sisigaw sa harap ni Jesus. “Ako’y nagpahayag, nagtayo ng mga iglesya at nagsugo ng 50 misyonero sa ngalan Mo.”
Ngunit ipapahayag ni Jesus sa mga makasalanang yaon, “Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!”
“Anong ibig mong sabihin? Hindi mo ba alam na ako ay nagpapahayag sa Iyong pangalan? Ako’y naglingkod sa iglesya sa loob ng maraming taon…nagturo ako sa iba na maniwala sa Iyo. Paano Mo akong hindi nakikilala?”
Siya ay sasagot. “Hindi Ko kayo nakikilala. Kayo na nagsasabing nakikilala ninyo Kko ngunit may kasalanan sa inyong puso, lumayo kayo sa Akin”
Kasalanan sa harap ng Diyos na maniwala sa Kanya habang may kasalanan pa sa puso o hindi naniniwala ayon sa Kanyang kautusan ng kaligtasan. Kasalanan ang hindi nalalaman ang Kanyang kalooban. Kasalanan ang paggawa ng Kanyang kalooban nang hindi nalalaman ito o hindi nalalaman ang pagpapala ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu. Kasalanan din ang sumunod sa Kanya na hindi sumusunod sa Kanyang kalooban. Ang kasamaan ay isang kasalanan.
 
 
ANG KALOOBAN NG DIYOS SA BIBLIA
 
Sino ang mga anak ng Diyos?
Ang mga matuwid na walang kasalanan.

Kalooban Niya para sa atin na manalig sa ebanghelyo ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu. Ang tunay na ebanghelyo ay kumakalinga sa atin na mga muling isinilang. Kalooban din Niya na tayo ay mabuhay para sa ebanghelyo bilang Kanyang mga anak. Dapat nating malaman ang kalooban ng Diyos, ngunit marami ang hindi nakakaalam ng ebanghelyo ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu.
Kapag nagtatanong ako sa mga tao kung bakit sila naniniwala kay Jesus, maraming nagsasabing naniniwala sila kay Jesus upang maligtas mula sa kanilang mga kasalanan.
Tinatanong ko, “Kung gayon, may kasalanan ka pa ba sa iyong puso?”
Kanilang sasabihin, “Mayroon siyempre.”
“Kung gayon, ligtas ka ba o hindi?”
“Siyempre, ligtas ako.”
“Ang makasalanan ba na may kasalanan sa kanyang puso ay makakapasok sa kaharian ng langit?”
“Hindi.”
“Kung gayon, saan ka mapupunta sa kaharian ng langit o sa apoy ng impiyerno?”
Sinasabi nila na sila ay mapupunta sa kaharian ng langit, ngunit mapupunta nga ba sila? Sila ay matutungo sa impiyerno.
Ang iba’y inaakala na dahil sila ay naniniwala kay Jesus, sila ay makakapasok sa kaharian ng langit kahit na sila ay may kasalanan sa kanilang mga puso at ito’y ninais ng Diyos na gawin nila. Ngunit hindi tinanggap ng Diyos ang mga makasalanan sa kaharian ng langit.
Ano ang kalooban ng Diyos? Sinasabi sa Biblia na ang kalooban ng Diyos ay ang manalig sa Kanyang Anak, ang manalig sa pagpapala ng pagkatubos sa pamamagitan ng bautismo ni Jesus at ng Kanyang dugo sa krus.
Yaong mga naniniwala sa pagpapala ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu ay nagiging Kanyang mga anak. Luwalhati para sa atin na maging Kanyang mga anak. Ang Kanyang mga anak ay matuwid.
Kapag tinatawag tayo ng Diyos na matuwid, isinasaalang-alang ba Niya ang makasalanang Kristiyano bilang matuwid? Hindi sinungaling ang Diyos. Kaya sa harap Niya, ikaw ay isang makasalanan o kaya’y isang matuwid na tao. Walang ‘ipinapalagay na walang kasalanan.’ Tinatawag Niya lang yaong mga naniniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu upang mapaging-banal.
 
Paano tayo magiging anak ng Diyos?
Sa pamamagitan ng pagtanggap sa ebanghelyo ng tubig at ng dugo.

Dahil inilipat ng Diyos lahat ng mga kasalanan ng mga tao sa Kanyang Anak, kahit ang Kanyang sariling Anak ay kailangang hatulan sa krus. Hindi makapagsasalita ng kasinungalingan ang Diyos. Sinasabi Niya, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23). Nang mamatay ang Kanyang Anak, binalot ng kadiliman ang sanlibutan sa loob ng tatlong oras.
“At nang malapit na ang oras ng ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi, ‘Eli, Eli, lama sabachthani?’ Sa makatuwid baga’y, ‘Dios ko, Dios ko bakit Mo Ako pinabayaan?’” (Mateo 27:46).
Inalis ni Jesus lahat ng kasalanan ng sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo upang iligtas lahat ng tao sa kanilang mga kasalanan. Inalis Niya ang mga kasalanan ng tao, batid na kailangan Niyang ipako sa krus at pabayaan ng Diyos na kanyang Ama. Kaya hinatulan ng Diyos ang Kanyang sariling Anak sa mga kasalanang inalis Niya sa Jordan at inilayo ang Kanyang mukha sa Kanyang Anak sa loob ng tatlong oras.
“Datapuwat ang lahat ng sa Kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios” (Juan 1:12).
Anak ka ba ng Diyos? Tayo ay mga muling isinilang dahil tinanggap natin ang ebanghelyo ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu. Yaong mga isinilang na muli sa tubig at sa Espiritu ay mga matuwid. Ngayon tayong lahat ay naging matuwid.
“Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Roma 8:31). Kapag ang isang matuwid na tao ay tinatawag na matuwid ang kanyang sarili sa harap ng Diyos at ng mga tao, yaong hindi natubos ay magagawang hatulan siya, kaya sinasabi ni apostol Pablo, “Sino ang magsakdal ng anoman laban sa mga hinirang ng Diyos, Ang Diyos ay ang umaaring-” (Roma 8:33). Inalis ng Diyos lahat ng kasalanan natin sa pamamagitan ni Jesus at tinawag tayong banal, matuwid, at Kanyang mga anak. Binigay Niya sa atin ang karapatan na maging maluwalhating mga anak ng Diyos.
Yaong mga isinilang muli sa tubig at sa Espiritu ay Kanyang mga anak. Sila ay mabubuhay na kasama Niya magpakailanman. Hindi na sila mga nilikha lamang sa mundo kundi mga anak na nabibilang sa kalangitan.
Sila ngayon ay mga matuwid na anak ng Diyos, wala ng maaaring magreklamo laban sa Kanya, hatulan man sila o ilayo man sila mula sa Diyos.
Dapat nating malaman ang ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu upang maniwala kay Jesus. Dapat nating malaman ang Biblia. Mahalagang nalaalaman at pinaniniwalaan natin ang kalooban ng Diyos upang isagawa ito.
 
 
KALOOBAN NG DIYOS NA ANG MGA MAKASALANAN AY MAISILANG MULI SA TUBIG AT SA ESPIRITU
 
Bakit sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak sa wangis ng makasalanang tao?
Upang mailipat lahat ng kasalanan sa Kanya.

Kalooban ng Diyos na tayo ay matubos at maisilang na muli sa tubig at sa Espiritu. “Ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal” (I Tesalonica 4:3).
Kalooban ng Diyos na isugo ang Kanyang Anak upang lahat ng mga kasalanan ay mailipat sa Kanya at tayo ay maligtas. Ito ang kautusan ng Espiritu na nagtutulot sa atin na maisilang muli sa tubig at sa Espiritu. Ito ang nagpalaya sa atin mula sa lahat ng kasalanan.
Tayo ay natubos. Makikilala ba ninyo ngayon ang kalooban ng Diyos? Kalooban Niya na tubusin tayong lahat. Hindi Niya ninais na tayo’y mapahamak sa mundo kundi sa halip ay maniwala lang sa Kanyang mga salita at sumamba lamang sa Kanya.
Kalooban din ng Diyos na yaong mga muling isinilang ay magpatotoo sa ebanghelyo at mamuhay sa iglesya, na italaga ang kanilang mga sarili sa gawain ng pagbabalik ng ibang mga kaluluwa sa Diyos.
Tayo ay nagkakasala hindi dahil sa nais natin, kundi dahil tayo ay mahihina. Ngunit inalis na ni Jesus ang mga kasalanang iyon. Inilipat ng Diyos lahat ng kasalanan ng mundo kay Jesus sa pamamagitan ni Juan Bautista. Sinugo Niya ang sarili Niyang Anak para sa layuning iyon at inutos na bautismuhan siya ni Juan. Tayo ay naligtas dahil sa paniniwala dito. Ito ang kalooban ng Diyos.
 
 
KALOOBAN NG DIYOS PARA SA ATIN NA MANIWALA KAY JESUS, NA SIYANG ISINUGO NIYA
 
Bakit naparito si Jesus sa wangis ng makasalanang tao?
Upang alisin lahat ng kasalanan ng sangkatauhan.

Sinasabi ng Biblia na ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay ang pananalig sa Kanyang sugo “Sinabi nga nila sa Kaniya, ‘Ano ang kinakailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?’ Sumagot si Jesus at sa kanila’y sinabi, ‘Ito ang gawa ng Dios na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.’ Sinabi nga nila sa Kaniya, Ano nga ang Inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan Ka naming? Ano ang ginagawa Mo? Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang gaya ng nasusulat, ‘Tinapay na galing sa langit ang sa kanila’y Kaniyang ipinakain’” (Juan 6:28-31).
Sinabi ng mga tao kay Jesus na binigyan ng Diyos si Moises ng tanda nang Siya ay nasa daan patungong Canaan, binigyan ng mga Israelita ng mana mula sa langit, at bilang sanhi sila ay nanalig sa Diyos (Juan 6:32-39). Tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano ang kinakailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?”
Sumagot si Jesus na marapat silang maniwala sa Kanya na gagawa ng gawain ng Diyos. Kung gagawa tayo ng gawain ng Diyos, kailangang maniwala tayo sa mga ginawa ni Jesu-Cristo. Ito ang kalooban ng Diyos para sa atin na hindi lamang maniwala at mangaral ng Ebanghelyo kundi upang mabuhay.
Iniutos ng Diyos sa atin, “Dahil dito magsiyaon nga kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos Ko sa inyo, at narito, Ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19-20).
Malinaw na sinasabi sa atin ni Jesus na magbautismo sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu. Lahat ng ginawa Niya para sa kanyang Ama at sa Espiritu ay nakapaloob sa Kanyang bautismo. Kapag naunawaan natin iyon, maari tayong maniwala sa Diyos at makita lahat ng ginawa ni Jesus dito sa mundo at kung paano ang Espiritu’y nagpatotoo rito.
Sinugo ng Diyos si Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Samakatuwid, maliligtas lang tayo kapag tayo ay naniwala sa salita ng Diyos at sa Kanyang lingkod.
 
 
ANG PAGGAWA NG GAWAIN NG DIYOS
 
Ano ang layunin ng ating mga buhay?
Ang tupdin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalawig ng ebanghelyo sa buong mundo.

Kung gagawin natin ang gawain ng Diyos, dapat muna tayong maniwala sa ebanghelyo ng bautismo ni Jesus at sa Kanyang kamatayan sa krus. Ito ang gawain ng Diyos, ang maniwala sa Kanya na sinugo ng Diyos. Upang maniwala kay Jesus, dapat muna tayong maniwala na niligtas Niya tayo sa pamamagitan ng tubig at ng dugo.
Ang kalooban ng Diyos ay isinakatuparan sa atin kung tayo ay naniwala kay Jesus at ipangaral ang ebanghelyo. Sa paraang ito ating ginagawa ang gawain ng Diyos. Sinabi Niya sa atin na tanging ang mga naniniwala lang sa pagpapala ng muling pagsilang sa tubig at sa Espiritu ang makapapasok sa kaharian ng langit.
Tayo na at kamtin ang ating mga kalagayan sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng pagkilala sa tunay na kalooban ng Diyos, sa pag-alam at paniniwalang lahat ng ating kasalanan ay inilipat na kay Jesus kasama ng Kanyang bautismo, sa pamumuhay para sa pagpapalawig ng Kanyang kaharian, at sa pangangaral ng ebanghelyo hanggang sa araw ng ating kamatayan.
Mga kapwa Kristiyano! Yaong mga naniniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espritu ay siyang mga nagsasagawa ng gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos ang maniwala sa Kanya na Siyang sinugo ng Diyos. Ang paggawa sa Kanyang kalooban sa pananalig na lahat ng kasalanan ay inilipat na sa Kanya na Siyang isinugo ng Diyos at ang Jesu-Cristo ay ating Tagapagligtas.
Ang gawain ng pagtubos ng tao mula sa kasalanan ay naisakatuparan nang si Jesus ay mabautismo sa Jordan at namatay sa krus. Ang ikalawang bahagi ng gawain ng Diyos ay ang maniwala sa Kanya na Siyang sinugo ng Diyos, ang maniwala sa Tagapagligtas na nag-alis ng lahat ng kasalanan sa mundo, at ang ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo.
Ngayon, tayong mga isinilang nmuli ay dapat mamuhay at ipangaral ang ebanghelyo hanggang sa wakas ng mundo.
 
Saan matutungo ang mga taong naniniwala kay Jesus ngunit hindi nababatid ang kalooban ng Diyos?
Matutungo sila sa impiyerno.
 
“Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangapalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’ At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala, magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!’” (Mateo 7:22-23).
Ang talatang ito ay malinaw na sinasabi sa atin kung sino ang mga makasalanan sa harap ng Diyos at kung sino ang gumagawa ng kasamaan.
Marami ang hindi naisilang na muli sa mga nagsasabing ‘Panginoon, Panginoon!’ Sila ay nasa pagdurusa dahil may kasalanan pa rin sila sa kanilang mga puso. Kaya sumisigaw sila sa Diyos, tumatawag, ‘Panginoon,’ na ang kalahati ay nagrereklamo.
Naniniwala sila na ang kanilang mga budhi ay malilinis kapag sila ay sumisigaw sa pananalangin, ngunit ito ay imposible dahil ang kasalanan ay nananatili sa kanilang mga puso. Sila ay nananalangin sa mga kabundukan, sumisigaw sa pighati na wari mong malayo ang Diyos. Kung wala tayong ganap na pananampalataya, magagawa nating tumawag ng ‘Panginoon, Panginoon’ nang mas madalas.
Sa ibang iglesya kung saan ang kalipunan ay hindi isinilang na muli, nanalangin sila ng higit na maalab hanggang gumuho ang pulpito.
Ngunit makikita natin sa Biblia na hindi lahat ng tumatawag sa ‘Panginoon, Panginoon,’ ay makakapasok sa kaharian ng langit. Yaon lamang mga naniniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu ang may pananampalataya na nagdadala sa kanila upang gawin ang gawain ng Diyos.
Sinasabi sa atin ng Biblia na kasamaan ang tumawag sa Kanyang pangalan na may kasalanan pa sa puso. Pumunta na ba kayo sa mga pagtitipon ng panalangin sa mga kabundukan? Ang ibang mga babaeng diakonesa ay patuloy ang pag-iyak, tumatawag sa kanyang pangalan dahil hindi pa nila nakatagpo si Jesus sa katotohanan, o tinanggap man ang Espiritu sa kanilang mga puso, o naisilang mang muli sa tubig at sa Espiritu. Tinatawag nila ang Kanyang pangalan nang madalas dahil natatakot silang matungo sa impiyerno.
Ipagpalagay na ang isang taong nagtalaga ng kanyang buhay sa paglilingkod sa iglesya bilang misyonero o pastor ay iwinaksi ng Panginoon sa huli. Ang maiwanan ng magulang o ng kabiyak ay sapat na para ikadurog ng kanyang puso, ngunit ang maiwanan ng Diyos, ang Hari ng mga hari, ang Tagahatol ng ating mga kaluluwa, saan siya matutungo?
Umaasa akong hindi ito mangyayari kaninuman sa inyo. Ako’y nakikiusap, makinig at maniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Ito ang kalooban ng Diyos para sa atin upang maisilang na muli at mamuhay sa loob ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Tayong mga Kristiyano ay dapat maniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu at magkaroon ng lakas mula sa katotohanan ng Biblia. Doon lang tayo maliligtas mula sa hatol ng Diyos.