(Apocalipsis 2:12-17)
“At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim: nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga’y sa kinaroroonan ng luklukan ni satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang ang araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni satanas. Datapuwa’t mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka’t mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid. Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita. Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya’y sa batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.”
Masusing Kapaliwanagan sa Kasulatan
Talatang 12: “At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim:”
Ang Pergamo ay isang kabisera ng pangasiwaang lungsod sa Asia Menor, ang mga naninirahan dito ay sumasamba sa maraming mga paganong diyos. Lalo na ito’y sentro ng pagsamba sa mga emperador. “Siya na may matalas na tabak na may dalawang talim,” ito’y nagsasabing ang Panginoon ay nakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos.
Talatang 13: “Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga’y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang ang araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas.”
Habang ang Pergamo ay isang matibay ng moog ng pagsamba sa emperador, ito rin ang lugar kung saan ang isang lingkod ng Diyos na si Antipas ay pinatay dahil sa pagsamba sa emperador upang ipagtanggol ang kanyang pananampalataya sa Panginoon. Darating ang araw muli kapag ang tao ay pipiliting sumamba kay anticristo, ngunit ang mga hinirang at mga lingkod ng Diyos ay ipagtatanggol ang kanilang pananampalataya hanggang sa huli, tulad ni Antipas. Upang magkaroon ng gayong walang takot na pananampalataya, dapat tayong magsimulang ilagay ang ating pananampalataya sa ating pakilos ngayon, kahit magsimula tayo sa pamamagitan ng mga maliliit na hakbang. Kapag dumating na ang panahon ng pag-uusig, ang mga hinirang at mga lingkod ng Diyos ay dapat umasa sa Banal na Espiritu. Dapat silang magtiwala sa Diyos at handang yakapin ang kamatayan ng may pag-asam, upang sila’y makapagbigay luwalhati sa Diyos at kamtan ang Bagong Langit at Lupa mula sa Kanya.
Talatang 14: “Datapuwa’t mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka’t mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid.”
Pinagwikaan ng Diyos ang Iglesia ng Pergamo dahil ang iba sa mga miyembro ay nakakapit sa doktrina ni Balaam. Si Balaam ay isang bulaang propeta na nag-akay sa mga Israelita palayo sa Diyos at sumamba sa mga diyos-diyosan sa pagtukso sa kanila ng magkaroon ng relasyon sa mga Hentil na babaeng pari na sumasamba sa mga rebulto. Sinaway ng Diyos yaong ang pananampalataya’y lumayo sa Diyos. Ang mga puso ng tao ay iniwan Siya at sa halip ay sumamba sa mga rebulto. Ang kasalanan ng pagsamba sa diyos-diyosan ay ang pinaka-malubhang kasalanan sa Diyos.
Talatang 15: “Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita.”
Ang salitang “Nicolaita” at “Balaam” sa Biblia ay magkahalintulad, ibig sabihin “yaong nanagumpay sa mga tao.” Nang sinabi ng Diyos na mayroong “kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita,” ito ay masasabi sa ibang paraan na ang iglesia ng Diyos ay dapat tanggihan yaong nanghahawak sa aral ni Balaam. Ang mga sumunod sa mga doktrina ni Nicolaita at Balaam ay ang mga naghahangad ng mga material na kapakinabangan at pagsamba sa dios-diyosan. Ang gayong tao ay dapat palayasin sa iglesia ng Diyos.
Talatang 16: “Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig.”
Samakatuwid ay sinabi ng Diyos sa Iglesia ng Pergamo na talikdan ang kanilang pagsamba sa mga diyos-diyosan at ang paghangad sa mga makamundong pakinabang at manumbalik sa tamang pananampalataya, binalaan sila na maliban sila’y magsisi, kakalabanin Niya sila sa pamamagitan ng tabak ng Kanyang bibig. Sa ibang pananalita, ito’y isang matinding utos kung saan binalaan ng Diyos na Kanyang parurusahan ang mga di-nagsisi sa pagsunod sa doktrina ni Balaam, kahit pa sila mga mananampalataya. Ang mga nakinig ng babala ng Diyos ay nagbalik sa Kanya ay mabubuhay,sa pisikal at espirituwal, ngunit yaong hindi ay yayakapin ang kanilang mga sarili para sa kanilang pisikal at espirituwal na kapahamakan. Upang mapagpala ang mga hinirang at mga lingkod ng Diyos, dapat silang makinig sa salita ng Diyos at sumunod sa Panginoon sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.
Talatang 17: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya’y sa batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.”
Ang mga tunay na hinirang ay yayakapin maging ang kanilang sariling kamatayan. Sinabi ng Diyos sa atin na yaong mga naging martir dahil sa Kanyang pangalan, Kanyang ibibigay ang mga pagkain ng Langit at itatala ang kanilang mga pangalan sa Kanyang Kaharian. Upang tayo’y mabuhay sa pisikal at sa Espirituwal, dapat tayong makinig sa sinasabi ng Banal na Espiritu sa iglesia ng Diyos. Sa mga magtagumpay – ang mga nanalo sa kanilang paglaban sa mga tagasunod ni Satanas – ibibigay ng Diyos ang katuwiran ng pananampalatayang nagpapalaya sa kanila sa kasalanan, at dahil sa kanilang pananampalataya, Kanyang isusulat ang kanilang mga pangalan sa Aklat ng Buhay.
Paulit-ulit na sinasabi sa atin ng Biblia sa iba’t ibang bahagi ng mga talata na yaong mga nagtiis hanggang sa huli ay maliligtas. Sa ibang pananalita, ang mga hinirang, ay dapat magtiyaga sa mga huling araw, upang kanilang maipagtanggol ang kanilang pananampalataya sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Ang mga pangalan ng isinilang na muli ay nakasulat sa Aklat ng Buhay. Samakatuwid, ang mga mananampalataya ay dapat pumasok sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng di-paghangad ng materiyal at mga makamundong pakinabang bagkus ay magtagumpay sila sa pamamagitan ng pananampalataya, hanggang sa pinaka-araw na sila’y haharap sa Diyos.