(Apocalipsis 8:1-13)
“At nang buksan Niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios, at sila’y binigyan ng pitong pakakak. At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan. At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios. At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan, at pinuno niya ang apoy ng dambana, at itinapon sa lupa, at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol. At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip. At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa, at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog. At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat, at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo. At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay, at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat. At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig. At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo, at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo, at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka’t mapait ang tubig. At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin, upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi. At nakita ko, at narinig ko ang isang agila, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, ‘Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa!’”
Masusing Kapaliwanagan ng Kasulatan
Nakatala sa Apocalipsis 8 ang mga salot na ihahatid ng Diyos dito sa mundo. Isa sa mga mapanganib na katanungan dito ay kung ang mga hinirang ay mapapasama sa mga maghihirap sa ilalim nitong mga salot. Sinasabi ng Biblia na ang mga hinirang din, ay dadaan sa mga salot ng mga pitong trumpeta. Dadaan sila sa lahat ng salot maliban sa ikapitong salot. Itong pitong salot ng pitong trumpeta o pakakak na makikita sa kabanatang ito ay ang mga tunay na salot na ipadadala ng Diyos sa mundong ito. Sinabi ng Diyos sa atin na Kanyang parurusahan ang mundo sa pamamagitan nitong mga salot na magsisimula sa paghihip ng mga anghel nitong pitong trumpeta.
Talatang 1: At nang buksan Niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.
Ito’y tumutukoy sa katiwasayan halos bago ang poot ng Diyos ay mabuhos sa sangkatauhan. Ang Diyos ay mananahimik panumandali bago ipadadala ang Kanyang nakatatakot na mga salot sa mundo. Dito’y pinakikita sa atin kung gaano nakapangingilabot at kabangis ang Kanyang mga salot ng pitong trumpeta. Kapag ang sangkatauhan ay humarap sa Diyos matapos daanan itong mga salot, silang mga ligtas ay magkakamit ng buhay na walang-hanggan, nguni’t walang-hangang kapahamakan naman sa mga hindi. Sa gayon, sa pagkabatid kung anong uri ang panahong ito, dapat tayong magising at gawin ang gawain ng mga mangangaral.
Talatang 2: At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios, at sila’y binigyan ng pitong pakakak.
Ginamit ng Diyos ang pitong anghel upang gawin ang Kanyang mga gawain. Nguni’t huwag nating kalimutan na sa kapanahunan, ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga matuwid na nananalig sa Salita ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Talatang 3: At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.
Pinakikita sa atin na ang Diyos, nang marinig ang mga dasal ng mga hinirang sa gitna ng kanilang pag-uusig at mga pamimighati ni Satanas at kanyang mga tagasunod, ay ipadadala lahat ng Kanyang mga salot sa mundo. Ang “gintong pangsuob” dito ay tumutukoy sa mga dasal ng lahat ng mga hinirang, ibig sabihin habang ang kanilang mga dasal ay nakakaabot sa Diyos, lahat ng Kanyang mga gawa ay matutupad. Ang Diyos ay kumikilos sa pagdinig ng mga dalangin ng mga hinirang.
Talatang 4: At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.
Dito’y pinakikita kung gaano pinahihirapan ni Anticristo ang mga hinirang. Dahil sa mga kapighatian ng mga huling araw, ang mga hinirang ay mananalangin sa Diyos upang palayasin ang Anticristo, upang ang kapighatian ay daliang lumisan sa kanila. Pinakikita ng talatang ito na dinidinig ng Diyos ang lahat ng dasal ng mga hinirang. Sa pagtanggap nitong mga dalangin ng mga hinirang, magsisimulang hahatulan ng Diyos ang Anticristo ang kanyang mga tagasunod sa pamamagitan ng mga salot ng pitong trumpeta at mga pitong mangkok. Ang hatol ng Diyos sa anticristo at kanyang mga tagasunod ay ang Kanyang huling kasagutan sa mga dalangin ng mga hinirang.
Talatang 5-6: At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan, at pinuno niya ang apoy ng dambana, at itinapon sa lupa, at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol. At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip. At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa, at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.
Iniahanda ng Diyos ang mga salot ng pitong trumpeta sa mundong ito. Samakatuwid, ang mundong ito’y di-makatatakas sa mga ingay, mga kulog, mga kidlat at mga lindol.
Talatang 7: At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa, at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.
Ang unang salot ay ang pagsunog sa ikatlong bahagi ng mundo, kung saan ang unang ikatlong bahagi ng mga puno at lahat ng mga damo ay masusunog. Ang salot na ito ay tutupok sa mga kagubatan nitong mundo.
Bakit magpapadala ang Diyos ng ganitong salot? Dahil ang tao, bagaman nakita nila ang kagandahan ng likha ng Diyos, hindi kinilala ang Lumikha bilang Diyos at sinamba Siya, sa halip “nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang” (Roma 1:25). And Diyos samakatuwid ay nagdala ng mga salot ng pitong trumpeta sa mga di-nagluwalhati sa Diyos sa halip ay sumalungat sa Kanya.
Talatang 8-9: At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat, at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo. At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay, at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.
Ang salot ng pangalawang trumpeta ay isang bituing bumagsak sa mundo. Itong malaking bato mula sa kalawakan ay babagsak sa dagat at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, winasak ang ikatlong bahagi ng mga isda ng dagat at winasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang dagat. Sa pamamagitan nga ng mga likha ng Diyos, tumanggap ang sangkatauhan ng maraming pagpapala. Nguni’t sa halip na magpasalamat sa Diyos para sa mga pagpapala ng kalikasan, sila’y naging palalo at sumalungat sa Diyos. Pinarusahan sila ng pangalawang salot dahil sa kasalanang ito.
Talatang 10: At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.
Bakit tinulot ng Diyos na bumagsak ang isang malaking bituin “sa ikatlong bahagi ng mga ilog at sa mga bukal ng tubig?” Dahil ang sangkatauhan, bagaman nabubuhay sa Panginoon na nagbibigay buhay, hindi sumamba at nagpasalamat sa Kanya, sa halip ay hinamak itong Panginoon ng buhay.
Talatang 11: At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo, at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo, at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka’t mapait ang tubig.
Sa salot na ito ang ikatlong bahagi ng mga ilog at bukal ay naging ajenjo, at maraming mamamatay sa pag-inom nitong tubig. Ito ang salot ng parusa sa mga makasalanang naghamak sa Diyos at sa mga puso ng mga hinirang. Ang Diyos ay tiyak na maghahatid ng ganti sa mga makasalanan sanhi ng lahat ng kanilang mga gawa laban sa mga matuwid. Kapag ang mga makasalanan ay nagdulot ng kahirapan sa mga matuwid, hahatulan sila ng Diyos. Ang ikatlong salot ay isa pang salot ng kalikasan; bumagsak sanhi ng pagsuway ng mga tao at di-pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritung bigay ng Diyos. Ang “Ajenjo” sa Biblia ay laging tumutukoy sa hatol ng mga sumuway at sumalungat sa Diyos.
Talatang 12: At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin, upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.
Ang ikaapat ng salot ay ang pagdilim ng ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin. Sa panahong ito, ang sangkatauhan ay sumusunod kay Satanas at inibig ang kadiliman. Hindi nila inibig ang ilaw ng kaligtasan tinanglawan ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritung bigay ni Jesu-Cristo. Tulad niyaon, upang ituro sa kanila kung gaano kakila-kilabot at kasumpa-sumpa ang mundo ng karimlan, ibibigay ng Diyos sa kanila itong salot ng karimlan. Pinakikita rin ng salot kung gaano kabagsik ang galit ng Diyos dahil sa kanilang kasalanang pagmuhi kay Jesu-Cristo at pag-ibig sa karimlan. Sanhi nito, ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at mga bituin nitong mundo’y maglalaho ang kanilang liwanag at magdidilim.
Talatang 13: At nakita ko, at narinig ko ang isang agila, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, ‘Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa!’
Sinasabi ng talatang ito na meron pang tatlong sumpang darating sa lahat ng tao dito sa mundo. Samakatuwid, lahat ng makasalanan at lahat ng salungat sa Diyos ay agad na dapat maligtas sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.