(Apocalipsis 9:1-21)
Sa mga salot ng pitong trumpeta, nakita na natin ang mga salot ng ikalima at ikaanim na mga trumpeta mula sa talatang nasa itaas. Ang ikalimang trumpeta’y hinipan ang salot ng mga balang, at ang ikaanim na trumpeta’y inihayag ang salot ng digmaan sa Ilog Eufrates.
Ang unang dapat nating makita ay kung ang mga hinirang ay dadaan sa mga salot na ito ng pitong trumpeta. Ito ang unang bagay na dapat nating marinig, malaman at paniwalaan.
Makikita ba ng mga hinirang ang kanilang mga sarili sa kalagitnaan ng mga salot ng pitong trumpeta? Ang mga hinirang din, ay tiyak na makikita nilang ang kanilang mga sarili sa kalagitnaan nitong mga salot. Ikatlong bahagi ng kagubatan ay matutupok ng apoy, ikatlong bahagi ng dagat at mga ilog ay naging dugo, at ang araw, ang buwan, at mga bituin ay mahahampas at mawawalan ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Bagaman ang ikatlong bahagi ng kalikasan ng buong mundo’y magiging dugo o mawawalan ng liwanag, ibig ding sabihin na ang dalawa sa tatlong bahagi’y mananatili.
Sinasabi ng Salita sa atin na tayo, mga hinirang na naligtas, makikita ang ating mga sarili sa gitna ng unang anim na mga salot na wawasak sa ikatlong bahagi ng mundo. Subali’t, tayo’y di-natatakot nitong mga salot, dahil tulad ng iniutos ng Diyos sa mga balang na saktan “lamang ang mga taong hindi nagtamo ng tatak ng Diyos sa kanilang mga noo” sa Kanyang ikalimang salot, Kanyang ikukkubli ang mga hinirang na Kanyang tinatakan sa gitna nitong mga salot ng pitong trumpeta.
Nguni’t ito pa rin ay nangangahulugan na ang mga hinirang ay dadaan sa lahat nitong mga salot. Ikaw at ako, bilang mga tinubos dahil sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, makikita ang ating mga sarili sa kalagitnaan ng unang salot, na tutupok sa ikatlong bahagi ng mundo sa apoy na ipadadala ng Diyos, gayon din ang ikalawang bahagi, magiging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat sa pagbagsak ng nag-aapoy na bundok, at gayon din ang ikatlo, magiging ajenjo ang ikatlong bahagi ng mga ilog at mga sibol sa pamamagitan ng pagbagsak ng malaking bituin mula sa langit.
Tayo’y mamumuhay hanggang sa ikaapat na salot, magpapadilim sa ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin; dadaan din tayo sa ikalimang salot, kapag ang mga balang ay mananakit tulad ng kapangyarihan ng alakdan; at, kapag nagdala ng malawakang digmaan ang ikaanim na salot sa Ilog Eufrates, makikita pa rin natin ang ating mga sarili sa kabuuan ng salot. Walang magagawa ang sinuman, dahil ito ang gawa ng Diyos na naghihintay na malaman. Na tayo’y dadaan nitong kakila-kilabot na anim na mga salot ay ang katotohanang nakasulat sa Salita ng Diyos.
Tayo’y tinubos ng ating Panginoon sa lahat ng ating kasalanan. Tinangay Niya lahat ng ating kasalanan sa Kanyang bautismo, Kanyang dugo sa Krus, at Kanyang pagkabuhay na muli. Nakamit natin ang pagtutubos dahil sa pananalig natin sa ginawa ni Jesu-Cristo sa atin. Sa mga nagkamit ng kapatawaran ng lahat ng kanilang mga kasalanan dahil sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, kahit pa sila dumaan sa anim na nakatatakot na mga salot, ang espesyal na kalinga ng Diyos ay mapapasa-kanila. Sinasabi ng Salita sa atin, sa ibang pananalita, na ang espesyal na biyaya ng Diyos ay itutulot tayong mabuhay. Dapat nating mabatid kung gaano karapat-dapat ang ating Diyos upang tanggapin lahat ng ating mga pasasalamat sa pagbibigay sa atin nitong mga espesyal na pribilehiyo at kalinga sa kalagitnaan ng mga salot sa ating mga ligtas.
Kapag tumunog ang trumpeta ng ikalimang anghel, nakakita si Juan ng “isang bituin na bumagsak sa lupa mula sa langit,” na “binigyan ng susi ng hukay ng kalaliman.” Ang bituin dito ay tumutukoy sa isang anghel; ang espirituwal na kahulugan ng bituin ng Diyos na silang lahat ay Kanyang mga lingkod at mga hinirang. Kapag itong anghel na bumagsak sa lupa ay tinanggap ang susi ng hukay ng kalaliman at binuksan, pumailanglang ang usok mula sa hukay tulad ng usok ng isang malaking pugon.
Ang “hukay ng kalaliman” ay tumutukoy sa isang lugar na walang katapusan o hangganan. Tinatawag din bilang isang Abyss, ito’y isang hukay na walang-katapusan ang lalim. Kapag tumunog ang trumpeta ng ikalimang anghel, siya, matapos tanggapin ang susi ng hukay ng kalaliman, binuksan ang hukay. Mula sa hukay ay lumabas ang malaking usok, parang galing sa isang malaking apoy. Itong usok mula sa abyss ay tinakpan ang araw at ang langit, nagdilim ang buong mundo.
Hindi lamang usok ang lumabas sa hukay ng kalaliman nang ito’y buksan; lumabas din mula sa hukay ang mga balang. Itong mga “balang” ay umahon sa lupa at binigyan ng kapangyarihan tulad ng mga alakdan sa lupa, sa kanilang mga buntot ay kinakagat ang mga tao. Isinilarawan sila ng Biblia bilang pagkakaroon ng mga mukha tulad ng mga mukha ng tao, ang kanilang anyo’y tulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, mga ngiping tulad ng ngipin ng leon, at ang kanilang mga buhok ay tulad ng buhok ng mga babae.
Sa paggamit ng pangmaramihang salitang “mga balang” sa halip na isang balang, sinasabi ng Biblia sa atin na hindi lamang natin tinitukoy ang isa o iilang mga balang, kundi isang malaking bilang ng mga balang, tulad ng mga salot ng pantropikong rehiyon kung minsan, lalamunin lahat ng mga halaman sa kanyang daanan, wawasakin at aalis na walang matitira kundi mga ugat. Ang gayong mga balang ay aahon mula sa hukay ng kalaliman at pahihirapan ang mga tao ng limang buwan.
Yaong tinamaan ng ikalimang salot ng pitong trumpeta ay yaon lamang mga hindi isinilang na muli. Itong mga salot ng mga balang ay pagdadaanan ng mga isinilang na muli. Hindi ihahatid ng Panginoon sa atin ang salot ng mga balang, dahil alam Niya na ang mga isinilang na muli, kung sila’y makakagat ng mga balang, ay iluluwa ang ebanghelyo ng kaligtasan, magtataka, “bakit pa ako naligtas?” malalaman natin ito sa talatang 4: “At sinabi sa kanila na huwag ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo.”
Alam natin na ang 144,000 na bayan ng Israel ay matatatakan ng tatak ng Diyos, nguni’t walang nabanggit ang Biblia ukol sa mga Gentil. Ibig bang sabihin nito na tayo’y pahihirapan ng mga balang tulad ng mga makasalanan? Hindi! Habang ang 144,000 na mga Israelita’y tinatakan, tayo man—ito ay, ang mga pusong nagkamit ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan ay tinatakan ng Banal na Espiritu sa harapan ng Diyos. Wala ba ang Banal na Espiritu sa iyong puso? Dahil yaong may mga pusong pinanahanan ng Banal na Espiritu’y tinatakan bilang mga anak ng Diyos, tayo, kasama ang 144,000 na Israel, ay makatatakas mula sa salot ng mga balang bilang Kanyang bayan.
Dahil ang salot ng mga balang ay sasaktan lamang yaong mga hindi isinilang na muli, ang tao’y lalong mamumuhi at mag-uusig sa atin. Sa loob ng limang buwang panahon ng salot, yaon lamang hindi isinilang na muli ang sasaktan ng mga balang, mapapahamak ng lubos nguni’t di-magagawang mamatay. Ang mukha nitong mga balang ay tulad ng mukha ng tao, ang buhok ay katulad ng buhok ng mga babae, ang kanilang mga ngipin ay kasing-bangis ng ngipin ng leon, at ang kanilang anyo’y tulad ng mga kabayong pang-digma, may buntot ng mga alakdan. Itong mga balang ay babalaan sinumang madaanan sa pamamagitan ng kanilang mga ulo, kakagatin saan mang dako, at itutusok ang kanilang makamandag na mga buntot, magdudulot ng di-maipaliwanag na matinding hirap sa kanilang mga biktima.
Isang kagat ay sapat na magdadala ng matinding sakit, maaaring tulad ng sindak ng malakas na boltahe ng kuryente, na magtatagal ng limang buwan. At ang tao’y di magagawang mamatay, gaano man ang paghihirap dulot ng mga balang o gaano ang kagustuhan nilang mamatay kaysa mabuhay ng gayong mga hirap. Dahil ang salot ng walang-kamatayan ay kalakip nitong salot ng mga balang, walang mamamatay sa lupa ng limang buwan. Pahihirapan nitong salot ang mundo ng limang buwan.
Hindi pa tayo nakakita ng gayong mga salot, nguni’t gayon pa man lahat ay nilayon ng Diyos. Sinabi ng Diyos sa atin na Kanyang dadalhin itong mga salot dito sa lupa—ito ay, ang mga taong di-nananalig sa Diyos, ni sa Kanyang pag-ibig at kaligtasan, ni sa Kanyang ebanghelyo ng pagtubos. Lahat ng ito’y nilayon ng Diyos. Dahil nilayon ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito, dapat tayong manalig na gaganapin ng Diyos ang lahat ng mga ito.
Ang tanging ating magagawa ay ang manalig sa Diyos, dahil walang maaaring tumutol sa mga layon at mga gawa ng Diyos. Kahit sa ganitong kalagayan ng paghihirap dulot ng mga balang, hindi itutulot ng Diyos na tayo’y kagatin ng mga balang at tayo’y kukupkupin mula sa salot na ito, dahil Kanyang inutos sa kanila na huwag saktan yaong may tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.
Bakita Magdadala ang Diyos ng mga Salot ng Pitong Trumpeta?
Ang mga layon ng Diyos sa pagpapadala ng mga salot ng pitong trumpeta ay, para sa mga isinilang na muli, upang kamtan ang luwalhati mula sa kanila; para sa mga hindi pa isinilang na muli, upang bigyan sila ng panibagong pag-asang maisilang na muli; at para sa bawa’t isa sa mundong nilikha ng Diyos, upang ipakita sa kanila na ang Panginoon ay Diyos, ang Manlilikha nitong mundo, Tagapagligtas, ang Hukom ng lahat.
Una, sa pagdadala ng hirap sa mga makasalanan sa pamamagitan ng mga salot at itulot ang mga matuwid na makatakas mula sa mga ito, ginawa ng Diyos na magpuri ang matuwid sa kadakilaan ng Panginoon, Kanyang biyaya, mga pagpapala at kaluwalhatian.
Pangalawa, itinulot ng Diyos ang mga salot para sa Kanyang huling ani. Dala Niya ang mga salot ng pintong trumpeta upang magligtas, hanggang sa huli, yaong mga nakarinig ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu nguni’t hindi nanalig. Ito’y upang ibigay sa pamamagitan ng Kapighatian sa lahat ng mga nilikha ng Diyos, sa mga Gentil at mga Israelita, ang kanilang huling pag-asa na magbalik sa Panginoon at maligtas.
Pangatlo, yamang wala sa mundo ang mabubuhay kung wala ang Panginoon, si Jesu-Cristo—Siyang naparito sa lupa sa laman ng isang tao, kinuha ang mga kasalanan ng mundo sa Kanyang bautismo, at inalis lahat ng mga kasalanan sa Kanyang kamatayan sa Krus—ay ipakikita, sa pamamagitan nitong mga nakatatakot na mga salot, Kanyang kapangyarihan sa mga di-tumanggap ng Kanyang pag-ibig at ang pag-ibig ng Kanyang Ama, at hindi nanalig sa ebanghelyo ng kaligtasan. Sa mga hindi isinilang na muli, Kanyang padadala ang kanilang mga paghihirap nitong mundo at kanilang walang-katapusang kaparusahan sa impiyerno sa ibang buhay.
Dadalhin ng Diyos ang mga salot nitong mundo sa gayong mga layon. Dapat nating malaman at maniwala na ang mga salot na ito’y tiyak na darating. Bagaman tayo’y di-mapapahamak sa salot ng mga balang, dapat nating mabatid na tayo’y dadaan sa lahat nitong mga salot. Ang salot ng apoy na tutupok sa ikatlong bahagi ng kalikasan at mga kagubatan ng buong mundo, ang salot ng tubig na magiging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat at ang ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal ay magiging ajenjo, ang salot ng kadiliman na magtatakip sa araw, buwan, at mga bituin, at ang salot ng digmaan na sisira sa mundo—magaganap sa kalagitnaan ng lahat nitong mga salot. Nguni’t dapat din nating mabatid na kahit tayo’y magdadaan sa mga salot na ito, tayo’y mapupuspos pa rin ng malaking kagalakan.
Sa pamamagitan ng mga salot ng pitong trumpeta, mawawalan tayo ng hangad sa makalupang buhay. Ating ipalagay sandali, na ang mga bulkan ay sumasabog, ibunubuka ng mga lindol ang mga lupain, mga bundok ay nasusunog, at ang ikatlong bahagi ng dagat, mga ilog, at mga sibol ay naging dugo at ajenjo. Alikabok, usok, at mga abo ay magtatakip sa buong lupain; ang araw ay sisikat sa ikasampu ng umaga at lulubog sa ikaapat ng hapon; at ang buwan at mga bituin ay mawawalan ng kanilang liwanag na hindi na natin makikitang muli. Masisiyahan ka bang mabuhay sa gayong mundo? Hindi?
Itong dahilan kung bakit ang mga hinirang ay titingin lamang sa Diyos at aasa lamang sa Kanyang kaharian sa panahong ito. Lahat ng ating pag-asa, 100 porsiyento, ay makikita lamang sa Diyos. Tayo ma’y hindi na interesadong mabuhay sa mundong ito, kahit pa ibigay sa atin lahat ng kayamanan ng mundo upang mabuhay ng libong taon. Dahil lahat ng mga salot na ito ay nilayon at itinulot ng Diyos, walang makapipigil sa mga ito. Yamang nilayon ng Diyos ang mga ito, kaya Kanyang ipahihintulot ang mga ito.
Bakit ang mga salot na nilayon ng Diyos ay nakatala sa Biblia? Bakit dinala ng Diyos si Juan paitaas sa Langit, itinulot siyang marinig at makita lahat ng mga salot na magaganap sa pagtunog ng pitong trumpeta, at ipinasulat sa kanya ang kanyang narinig at nakita? Sa pagpapakita ng magaganap sa mundong ito, upang ang mga hinirang ay umasam lamang sa Kaharian ng Diyos, upang ipakalat sa kanila ang ebanghelyo sa mundong ito, at upang manalig ang sinuman kay Jesu-Cristo.
Nilayon at itinulot ng Diyos lahat ng mga bagay na ito upang sa pamamagitan nitong mga salot, upang makapag-isip muli ang tao at hindi mapahamak sa lawa ng apoy at asupre sa impiyerno. Binigay ng Diyos sa kanila, sa ibang salita, ang isang kanlungan upang makatakas mula sa mga salot. Dahil ayaw ng Diyos ang isa man sa atin na mabulid sa impiyerno, nais Niya na ang mga puso ng mga makasalanan ay magbalik sa Kanya sa pamamagitan ng mga salot. Naniniwala ako na ang Salita’y isinulat at pinakita sa atin upang ang sinuman ay maakay sa Langit.
Ang mga salot na padala ng Diyos sa atin, sa ibang salita, ay hindi lamang upang saktan tayo. Pinadala ng Diyos itong mga salot sa mundo at para sa atin upang tayo’y umasa hindi sa mundong ito kundi sa Kanyang kaharian. Dapat din nating mabatid na Kanyang pinahintulot lahat ng mga bagay na ito upang ating ipangaral ang Kanyang pag-ibig ng kaligtasan sa di-mabilang na mga kaluluwang ligaw na patungo sa walang-katapusang apoy ng impiyerno, upang sila rin, ay manalig sa Salita ng kaligtasan at maligtas, at makatakas sa Kapighatian.
Ibang uri ng mga hito ay kilala, isa sa mga ito, dahil sa dulot na sakit na pagkagat nito. Kung hindi ka maingat sa paghawak nitong mga isda, ang iyong kamay ay matitibo ng kanilang mga palikpik na may lason, at susundan ito ng matinding sakit, parang nakuryente. Itong sakit ay walang-saysay kung ihahalintulad sa sakit ng kagat ng mga balang.
Kunwari’y mayroon ka ng gayong sakit sa limang buwan. Ito ang pinakamatinding sakit, dahil nanaisin ng tao ang mamatay kaysa mabuhay sa kanilang matinding sakit, hindi nila magagawa. Ni hindi nila magagawang magpakamatay, tulad ng sinabi ng Salita sa atin, “At mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.” Nguni’t dahil tayo’y naging mga anak ng Diyos dahil sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, at dahil taglay natin ang Banal na Espiritu, kakalingain tayo ng Diyos mula sa salot na ito upang hindi tayo magdanas ng sakit dala ng mga balang. Tayo’y kupkupin sa gitna ng gayong salot dahil nakamit natin ang kapatawaran sa mga kasalanan dahil sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Hindi natin dapat ituring ang Aklat ng Apocalipsis na may takot lamang, kundi sa pamamagitan ng Salita ng Apocalipsis, dapat nating mabatid kung paano ibibigay sa atin ang Kanyang espesyal na kalinga mula sa mga salot, kung paano Siya maluluwalhati sa pamamagitan natin, at kung paano rin tayo mararamtan sa luwalhati ng Diyos. Sa pag-aalam ng mga ito, tayo’y magiging matapang, ipangaral pa ang ebanghelyo, at magluluwalhati ng lubos sa Diyos kapag dumating ang oras ng Kapighatian. Tulad niyaon, dapat tayong mabuhay ngayong panahon na walang takot sa ating mga puso, ni anumang kasakiman sa ating makalupang pamumuhay. Itinuturo ng Diyos lahat ng mga ito ng maaga, upang tayo’y magkaroon ng tapang. Dapat tayong magkaroon ng pananalig na may tapang.
Inuri ng Diyos ang pitong salot sa dalawang kategorya, ang unang apat na malaking kapahamakan at ang huling tatlong sumpa, at Kanyang nilinaw na ang huli’y lubos na nakatatakot at kakila-kilabot sa antas at sidhi. Kaya, Kanyang inanunsiyo lalo na pagkatapos ng ikalimang salot, “Ang unang Pagkaaba ay nakaraan na: narito, darating pa ang dalawang Pagkaaba sa haharapin.”
Ang ikalawanag sumpa ay ang salot ng ikaanim na trumpeta: “na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may pakakak, ‘Kalagan mo ang apat na anghel na nagagapos sa malaking ilog ng Eufrates.’ At kinalagan ang apat na anghel, na nangahahanda sa oras at araw at buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng tao.” Sa talatang 16 ay sinasabi, “ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sangpunglibong tigsasangpung libo.” Pinakikita na isang malawakang digmaan ay magaganap, at ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay masasawi sa digmaan. Ihahatid ng Diyos, ang isang nakatatakot na salot ng digmaan sa mundo.
Sa talatang 17-18 ay sinabi, “At nakita kong sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga nakasakay dito, na may mga baluting gaya ng apoy at ng jacinto at ng asupre, at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilangmga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang iaktlong bahagi ng mga tao, sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre, na nangagsisilabas sa kanilang mga bibig.” Itutulot ng Diyos ang di-mabilang na mga taong masasawi dulot ng maraming hukbong mangangabayo. Ito ang salot na darating sa pagtunog ng ikaanim na trumpeta.
Anong mangyayari kapag tumunog ang ikapitong trumpeta? Magaganap ang pagbangong muli at rapture. Hanggang sa ikaanim na trumpeta, lahat ng naunang salot ay nagdulot ng likas na kapinsalaan o bilang isang digmaan na papatay sa mga tao. Dahil lahat ng mga ito’y kasama sa mga salot ng pitong trumpeta at nakatala sa Bibila, naniniwala ako sa Salita. Ikaw ba? Naniniwala ka ba sa katotohanang ito?
Natanggap mo na ba ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu? Bagaman kasama sa mga salot na ito, upang ika’y makatakas mula sa pahirap ng walang-hanggang salot at di-mabulid sa impiyerno, dapat kang manalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu ngayon, na binigay ng Diyos sa iyo upang maglaho lahat ng iyong mga kasalanan, upang iligtas ka mula sa Matinding Kapighatian, at ibigay sa iyo ang Kanyang Kaharian, ang Bagong Langit at Lupa. Dapat kang magkaroon ng pananalig sa ebanghelyong ito. Dapat mong malaman at manalig sa ebanghelyong ito. Walang ng ibang daan tungo sa Langit kundi sa pamamagitan ng iyong pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibibigay Ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit.” Ang mga susi ng Kaharian ng Langit ay binigay sa atin nang tayo’y manalig kay Jesu-Cristo bilang ating Tagapagligtas—na Siya’y naparito sa lupa, na Kanyang kinuha lahat ng kasalanan ng sangkatauhan at ng mundo sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang bautismong tinanggap mula kay Juan Bautista sa Ilog Jordan, na Kanyang tinangay lahat nitong mga kasalanan at namatay sa Krus, at Siya’y bumangong muli. Tayo’y makapapasok sa Langit at makukupkop mula nitong mga salot kapag taglay lamang natin itong pananampalataya—pananampalatayang nanalig na lahat ng ating kasalanan ay pinawi na.
Sa pagtunog ng ikapitong trumpeta ay ang pagdating ng rapture, kasama ng pagpatay sa mga martir na inilarawan sa Apocalipsis 13. Kapag lumitaw ang anticristo, tayo’y mahaharap sa ating matuwid na kamatayan, magiging martir para sa ebanghelyo.
Dapat mong mabatid kung ano ang kahalagahan nitong ebanghelyong iyong nalalaman at iyong pinaniniwalaan. Manalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Sa gayon ika’y magtatagumpay sa mga huling araw na may tapang at manahan sa Milenyong Paghahari at ang Bagong Langit at Lupang pinangako ng Panginoon. Ang sumamba sa Panginoon bilang isa sa 24 na mga matatandang nakatayo palibot kay Jesu-Cristo, na Siyang Diyos, wala ng ibang paraan kundi ang matapang na magtagumpay sa Kapighatian sa pamamagitan ng pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Nawa at dalangin ko na ikaw, bilang mga hinirang na isinilang na muli sa pamamagitan nitong ebanghelyo sa inyong mga puso, ay magtagumpay sa mga huling araw at manahin ang Milenyong Paghahari at Kanyang walang-hanggang Langit ng Diyos.