• All e-books and audiobooks on The New Life Mission website are free
  • Explore multilingual sermons in global languages
  • Two new revised editions in English have been released
  • Check out our website translated into 27 languages
Search

Sermons

Paksa 10: Ang Pahayag (Mga Komento sa Pahayag)

[Kabanata 16-2] Ang Dapat Mo lang Gawin Bago ang Pagbuhos ng mga Pitong Mangkok ay… (Apocalipsis 16:1-21)

(Apocalipsis 16:1-21)
 
 
Sa mga salot ng pitong mangkok, ang unang salot ay ang hapdi, ang pangalawang salot ay ang pagiging dugo ng dagat, at ang ikatlo ay ang pagiging dugo ng tubig tabang. Ang ikaapat na salot ay kung saan ang tao’y mamamatay sanhi ng init ng araw.
Ang pangunahing salaysay ay sinasabi sa atin, “At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw, at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao. At nangasunog ang mga tao sa matinding init.” Dito’y sinasabi sa atin na ang Diyos ay ilalapit ang araw sa mundo at susunugin ang mga nilalang hanggang sa kamatayan. Kapag hinayaang mangyari ito ng Diyos, wala ni isa ang makatatakas mula sa hapding dulot ng araw, kahit pa maghukay ng malalim na kuweba sa ilalim ng lupa at magtago rito. Ni sa paglakas ng malalaking mga aircon na hinanda para sa salot na ito ang makapipigil ng salot ng Diyos. Lahat sila’y walang mapipili kundi kamatayan.
Maiisip natin kung anong mangyayari sa kanila kapag ang dumating ang oras ng mga salot—matutuklap ang kanilang mga balat; ang kanilang laman ay tiyak na mamumula, masisira at mabubulok. Bawa’t isa ay mamamatay sa kanser sa balat.
Gayunman, kahit sa kamatayang dulot ng nakapapasong init ng araw, ang tao’y hindi pa rin magsisi sa kanilang mga kasalanan. Kagilas-gilas ang salot ng Diyos, maging ang mga taong ito na di-nagsisi kahit sila’y dumadanas nitong salot. Sa kanilang di-pagsisi, magpapatuloy ang mga salot ng Diyos.
Sinasabi ng pangunahing salaysay, “At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon, at nagdilim ang kaniyang kaharian, at nginatnat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap. At sila’y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat, at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.” Kung ating titignan ang mundo ngayon, hindi ba natin nakikita ang di-mabilang na tao na mahahatulan ng Diyos ngayon? Nguni’t dahil pinipigil ng Diyos ang Kanyang galit, hindi pa sila mahahatulan. Gayun pa man, kung sila’y mamamatay na walang pagkilala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritung bigay ni Cristo, sila’y bubuhaying muli ng Diyos sa mga katawang di-namamatay, at haharap sa walang-hanggang paghihirap sa walang-tigil na nagbabagang apoy ng impiyerno.
Kapag ito’y nangyari, ang tao’y nanaising mamatay, dahil ang kanilang paghihirap ay matindi upang kayanin. Nguni’t ang paghihirap sa impiyerno’y walang-hanggan. Ang oras ay darating sa mga hahatulan ng Diyos na magnanais na mamatay, nguni’t ang kamataya’y lalayo sa kanila, dahil hindi pahihintulutan ng Diyos ang kamatayan upang Kanya silang hatulan magpakailan man.
Ang ikaanim na salot ay ang digmaan sa Armagedon. At ang ikapito ay ang huli at pangwakas na salot ng isang matinding lindol at malaking pag-ulan ng yelo.
Sinasabi sa atin sa mga talatang 17-21, “At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin, at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, ‘Nagawa na.’ At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot. At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho, at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya’y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan. At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo, sapagka’t ang salot na ito ay lubhang malaki.” 
Sinasabi sa atin ng mga talata na habang binubuhos ng Diyos ang ikapitong mangkok, isang matinding lindol ang hahampas dito sa lupa, ang buong mundo’y mahahati sa tatlo, ang mga gusali’y mawawasak. Habang itong mundo ay dumadaan sa masidhing galit ng Diyos, lahat ng mga isla at mga bundok ay maglalaho.
Mananatili bang nakatayo ang mga bulubundukin ng Himalaya kapag ito’y nangyari? Hindi! Lahat ng mga matataas ng bundok ay maglalaho sa paningin ng mga nabubuhay. Bawa’t bundok sa mundong ito ay maglalaho na walang bakas. Sinasabi rin sa atin ng salaysay na ang mga malalaking ulan ng yelo, bawa’t isa nito’y may bigat ng 45 kilo, ay babagsak dito sa lupa. Mayroon bang mabubuhay sa pamamagitan nitong mga lindol at mga pag-ulan ng yelo?
Sa Apocalipsis 18 ay sinasabi na ang galit ng Diyos ay ihahatid sa mga di-nanalig sa Kanya at tumanggi sa Kanyang Salita. Ang ibang tao’y aangkin, na parang sila’y mga diyos, “Hindi ko daranasin ang galit ng Diyos, ni hindi ako mahahatulan Niya.” Gayun pa man, ang hatol ng Diyos ay ihahatid sa tulad nitong tao na puno ng kanilang sariling kapalaluan at kayabangan. Dapat tayong manalig na itong mundo’y maglalaho sa paghampas ng mga salot ng pitong mangkok na ibubuhos ng Diyos.
 
 
Dapat Tayong Magkaroon ng Pananampalataya sa Salita ng Diyos
 
Sinasabi ng Diyos sa atin na Kanyang gagawing maglaho itong mundo. Itong mundo ay di-magtatagal. Sa gayon, lahat ng mga haharap sa papalapit na hangganan ay dapat lalong manalig sa katotohanang ito at hangarin ang kanilang espirituwal na pananampalataya. Lahat ng tao nitong mundo ay dapat magising sa kanilang espirituwal na pagkakatulog. Hindi ko alam kung anong uri ng pananampalataya ang pinamumuhay mo, nguni’t ngayon na ang panahon upang iyong iukol ang iyong pansin sa kung anong mangyayari sa mga huling araw, at upang magising at manalig. Samakatuwid dapat kang magkaroon ng wastong kaalaman ng mga salot na hinula sa Apocalipsis, at dapat kang maging gising. 
Sinabi ng Panginoon sa atin na itong mundo ay nalalapit ng dumaan sa mga salot ng pitong mangkok ng Diyos. Sa gayon, dapat tayong maghintay sa Panginoon habang pinangangaral ang ebanghelyo, kahit hindi lubos na tatanggapin ito ng tao.
Ang tadhana nitong mundo ngayon ay nasa panganib. Itong mundo ngayon ay bilad sa lahat ng uri ng mga panganib, mula sa banta ng digmaan hanggang sa di-tiyak na panahon, pagsira sa kapaligiran, pagdami ng mga hidwaang panlipunan, at lahat ng uri ng karamdaman. Kaya sinabi ng Diyos sa atin na ang kasalukuyang panahon ay tulad ng panahon ni Noe. Kung ang kasalukuyang panahon ay tulad ng kay Noe, ibig sabihin lamang na itong mundo’y papalapit na sa mga huling araw. Ang tanda ng mga huling araw na ang tao’y naaakit lamang sa mga bagay ng laman, tulad ng pagkain, pag-inom, kasalan, at iba pang mga maliliit na bagay. Nararapat sa kanila sa gayon ang hatol ng Diyos. Sa panahon din ni Noe, ang gayong tao ay di-nakinig sa sinabi ni Noe sa kanila, kaya lahat sila’y nalipol, maliban kay Noe at kanyang pamilya. Ang mundong darating ay magiging tulad din nito.
Halos lahat ng bagay na pinangako ng Diyos ay natupad na gaya ng nakasulat sa Biblia. Sa mga ito, halos 5 porsiyento pa ang nananatiling tutuparin, nguni’t ang mga iba nito’y natupad ng lahat. Ang Salita ng kaligtasan at ng pagtutubos na pinangako ng Panginoon ay natupad na ring lahat. Sa Salita ng Diyos, tanging ang paghatol na nakalaan sa mga di-mananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu ang nalalabi. At para sa mga isinilang na muling mga hinirang, tanging ang Milenyong Paghahari at ang Bagong Langit at Lupa, kung saan ang mga hinirang ay papasok at maninirahan, ang naghihintay sa kanila.
Ang Diyos ay mahabagin, at Siya’y nasa panig ng mga matuwid. Gayun pa man, sa kanila na nararapat ang Kanyang galit, tiyak na ihahatid ng Diyos ang Kanyang galit sa kanila, ngunit sa kanila na nakalaan ang Kanyang awa, Kanyang lubos na ipagkakaloob ang Kanyang habag.
Kailan mangyayari itong mga salot? Ang mga salot ng pitong mangkok ay magaganap matapos ang pagmamartir sa mga hinirang, habang ang marka ng 666 ay tinutulak sa mundo at tinututulan ng mga hinirang. Pagkatapos ng salot ay darating ang unang pagkabuhay muli, ang Milenyong Paghahari, at ang huling hatol ni Jesus na nakaluklok sa dakilang puting trono. Ito’y susundan ng pagbukas ng walang-hanggang Kaharian ng Langit. Sa pamamagitan ng Biblia, dapat nating kamtan ang kaalaman ng pagkakaloob ng kalinga ng Diyos.
Naniniwala ka ba sa katotohanang si Jesus ay nabuhay na muli? Naniniwala ka ba na pinaglaho ng Panginoon lahat ng kasalanan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo at dugo? Kinuha ng Panginoon ang lahat ng kasalanan ng tao sa pamamagitan Kanyang tubig at dugo, nabuhay na muli sa ikatlong araw, at nakaluklok ngayon sa kanang kamay ng trono ng Ama. Sa gayon, ang mga kasalanan ng mga nanalig kay Jesu-Cristo ay malinaw na naglaho, at yamang si Cristo’y nabuhay muli, kaya sila’y mabubuhay muli.
Ang mga hinirang samakatuwid ay maluluwalhating kasama ang Panginoon, nguni’t habang narito sa lupa, sila’y dadanas ng maraming mga paghihirap para sa Panginoon. Nguni’t ang mga paghihirap nitong kasalukuyan ay di-nararapat na ihambing sa luwalhating naghihintay sa kanila, dahil itong luwalhati ay ang tanging naghihintay para sa mga isinilang na muling hinirang. Ang tanging gagawin ng mga matuwid ay mamuhay sa mga nalalabing buhay para sa ebanghelyo at sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Dapat nating ialay ang ating mga sarili sa gawaing pagliligtas sa mga kaluluwa, at hindi ang sumunod sa sanlibutan.
 
 
Ating Ialay ang Nalalabing mga Buhay sa Diyos 
 
Ako’y nag-aalala na mayroon sa inyo ang magkakanulo sa ebanghelyo. Sinuman ang magkanulo sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu ay ipagkanulo ng Panginoon mismo sa huli. Bagaman tayo’y mahina, kung tayo’y mananalig at susunod sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritung natupad ng Panginoon, lahat tayo’y mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mga hinirang ay di-nabubuhay lamang sa kanilang sariling karunungan at lakas. Kung gayon, sila’y magtatakwil ng kanilang pananalig at maharap sa kanilang kapahamakan. Upang makaiwas, tayo’y dapat mamuhay sa pananampalataya.
Bakit ipahihintulot ng Panginoon sa tao na tanggapin ang marka ng 666? Ito’y upang ihiwalay ang binhi sa dayami. Bago maganap ang rapture ng mga hinirang, ang unang bagay na dapat gawin ng Diyos ay ang mahiwalay ang binhi sa dayami.
May mga espirituwal na digmaang paglalabanan ang mga hinirang. Sa gayon, ang mga hinirang ay di dapat iwasan ang pakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos. Kung sila’y nag-aatubiling labanan si Satanas, sa halip ay maaaring makamit nila ang isang nakamamatay na hampas ni Satanas. Kun gayon, lahat ng mga hinirang ay dapat makibaka sa mga espirituwal na digmaan kahit para sa kanilang mga sarili. Lahat ng mga espirituwal na pakikipaglaban ng mga hinirang ay makatwiran. Upang sumunod sa Diyos, bawa’t hinirang ay dapat lumaban at magtagumpay kay Satanas at sa kanyang mga lingkod.
Ang mga hinirang ay dapat makibaka para sa Kaharian ng Diyos. Dapat din silang usigin para sa Kaharian ng Diyos, at kamuhian ng mga tao. Na ang mga hinirang ay binigyan ng pagkakataong lumaban para sa Panginoon ay isang mabuting bagay. Kung itong pagkakataong lumaban para sa Diyos ay binigay sa iyo, dapat kang magpasalamat sa Kanya. Ang gayong pakikipaglaban ay isang mabuting labanan, dahil ito’y pakikipaglaban para sa katuwiran ng Diyos.
Tinutulungan ng Diyos ang matuwid. Ilang araw na lang ang nalalabi sa ating buhay, dalangin ko na tayong lahat ay mamuhay sa ating mga nalalabing buhay na may espirituwal na pakikipaglaban at ginagawa ang mga espirituwal na gawain hanggang tayo’y humarap sa Panginoon. Anuman ang sabihin ng mundo sa atin, dapat tayong makibaka sa mga espirituwal na digmaan, mamunga ng mga espirituwal na bunga at ialay sa Panginoon. Sa pagbalik ng ating Panginoon, tayong lahat ay tumayo sa harapan Niya na may pagtitiwala. Kapag dumating ang mga araw na ito, pupunasan ng Panginoon ang ating mga luha at tayo’y mamuhay sa isang lugar na wala ng pagluha, ni maghihirap muli, ni makikita ang kasalanan sa atin.
Tayon lahat ay mamuhay sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng pananampalataya tayo’y makapapasok sa Kaharian ng Diyos.