(Apocalipsis 18:1-24)
Sinasabi ng Diyos sa atin sa kabanata 18 na Kanyang wawasakin ang dakilang lungsod ng Babilon sa pamamagitan ng Kanyang dakilang salot. Dahil sa mga huling araw nitong mundo ay magiging nakaparumi at makasalanan sa mga mata ng Diyos, at dahil ang Diyos sa gayo’y walang pagpipilian kundi wasakin ito bagaman ito’y Kanyang nilikha, hahayaan Niya ang malaki, kakila-kilabot na mga salot na magwawakas ng daigdig. Itong mundo samakatuwid ay guguho hanggang ito’y lubusang mawasak.
Ang sadyang dahilan bakit wawasakin ng Diyos ang mundo ay dahil makikita Niya ang dugo ng Kanyang mga propeta at mga hinirang. At dahil itong mundo’y makagagawa ng marami at malalaking mga kasalanan sa lahat ng mga bagay na binigay ng Diyos, magiging lubos na marumi para sa Diyos na pabayaan ito. Ang pinakamagandang planeta na nilikha ng Diyos ay ang planeta ng daigdig. Ito ay dahil ang Diyos mismo ay kumilos dito sa mundo na may labis na pagnanais, at dahil ito rin ang lugar kung saan ang mga plano at sa Kanyang gawang pagliligtas sa makasalanan na tinupad ni Jesu-Cristo.
Gayun pa man, naiplano na ng Diyos kung paano Niya wawasakin itong mundo at kung paano Niya itatayo ang darating na Kaharian ni Cristo. Kapag itong mundo’y puno ng lahat ng uri ng kasamaan, wawasakin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga anghel na dala ang mga salot ng pitong mangkok. At Kanyang babaguhin lahat ng mga bagay at papaghariin ang Kanyang mga hinirang sa Kanyang bagong daigdig.
Ang Gumuhong Lungsod ng Babilonia!
Ang mga hari ng daigdig ay nakiapid sa mga bagay ng sanlibutan at namuhay sa kalayawan, habang lahat ng mga mangangalakal, ay abalang-abala sa pamimili at pagbibili ng lahat ng bagay na binigay ng Diyos sa kanila, nakalimutan ang Diyos sa kanilang kasakiman. Wawasakin ng Diyos ang lahat ng bagay—mga gusali, mga relihiyon, mga kalakal sa relihiyon, mga hari, mga politiko, mga taong ganid sa mga materyal na ari-arian, at marami pa—lahat ng ito’y ibabagsak ng Diyos.
Liligligin ng Diyos ang bawa’t gusali dito sa lupa at guhong iiwan ang mga gusali, at Kanyang wawasakin lahat ng bagay, mula sa tao hanggang mga kagubatan at mga puno, sa pamamagitan ng Kanyang apoy. Kapag lahat ng bagay dito sa mundo’y nawasak, ang tao’y mananaghoy at tatangis. Titiyakin ng Diyos na wawasakin lahat ng mga nagpayaman sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng relihiyon. Napakahalaga para sa atin na malaman muna at manalig sa katotohanang wawasakin ng Diyos itong magarang mundo na Kanyang nilikha mismo.
Sa panahong ito, hahayaan ng Diyos ang mga hinirang na isnilang na muli na makabahagi sa unang pagkabuhay muli ni Jesu-Cristo upang maghari sa mundo ng isang libong taon. Sa pamamagitan ng Kaharian ng Panginoon, Kanyang tutumbasan ang mga hinirang dahil sa paglilingkod ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu at sa pagiging martir upang maipagtanggol ang kanilang pananalig habang narito sa lupa. Bibigyan sila ng Diyos ng pamamahala sa sampung lungsod, sa limang lungsod, at sa dalawang lungsod at hayaan silang mamahala ng isang libong taon, at matapos nito, ibibigay Niya sa kanila ang Bagong Langit at Lupa upang mamuhay magpakailan man.
Bakit kung gayon, wawasakin ng Diyos ang mundo, ang pinakamagandang daigdig sa buong kalawakan? Tanging sa planetang ito ang isda ay makalalangoy sa mga ilog, mga mababangis na hayop na gumala sa mga gubat, at manirahan ang sangkatauhan. Nguni’t dahil ang Diyos ay hindi na matitiis ang mundo kung saan ang kasalanan ay naging palasak, lubos na wawasakin Niya itong mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga salot. Pinasiyang wawasakin ng Diyos ang daigdig.
Bawa’t isang nabubuhay dito sa lupa, maliban sa mga naligtas, ay mawawasak ng mga salot ng pitong mangkok. Dahil ang mga matuwid sa huling araw ay magiging martir, uusigin at sisiilin nitong mundo, yuyurakan ng Diyos ang mundo bilang kabayaran ng mga masasamang gawa. Kapag itong oras ay dumating, ang mga pinuno ng relihiyon at mga mangangalakal ng mga kaluluwa ng tao ay mawasak. Hindi lamang wawasakin ng Diyos ang lahat ng mga naging pinuno ng mga relihiyon na hindi naisilang na muli, nguni’t Kanya ring itatapon sila, kasama ang Diablo, sa lawa ng apoy at asupre.
Tiyak na wawasakin ng Diyos itong mundo. Sa gayon, dapat nating mabatid at manalig ng walang duda na itong mundo’y mawawasak. Papatayin ng Diyos lahat ng mga mangangalakal na nagyabang ng lahat ng uri ng mga dakilang bagay at kalakal sa mga kaluluwa ng tao sa pamamagitan ng kanilang relihiyon. Gayunman, yamang ang mga salot ng Diyos ay nalalapit, ang tao’y nanatiling palalo sa kanilang tiwala. Pagmasdan ang mga pinuno ng mga relihiyon. Hindi ba silang lahat ay palalo, animo’y ginagawa nila ang mabuting bagay sa harap ng Diyos? Sasang-ayunan ba ng Diyos ang gawain ng gayong tao?
Kung sinabi ng Diyos na Kanyang wawasakin itong mundo dahil sa mga kasalanan ng tao, kung gayon dapat nating paniwalaan, dahil lahat ng bagay ay sadyang magaganap tulad ng sinabi ng Diyos. At dapat nating ipagtanggol ang ating pananampalataya. Hindi ko ito sinasabi tulad lamang ng mga pinuno ng mga kulto na gawa-gawa ang kanilang mga maliit na doktrina at nagsasabi ukol sa pagdating ng wasak, nguni’t sinasabi ko ito dahil dapat tayong manalig sa sinabi ng Diyos sa Kasulatan—ito ay, ang Buhay na Diyos ay tiyak na wawasakin itong mundo sa pamamagitan ng mga dakilang salot ng pitong mangkok.
Hindi Natin Dapat Palayawin ang Ating mga Sarili Dito sa Mundo na Malapit ng Mawawasak
Sa gayon, hindi tayo dapat na mahumaling sa pagtipon ng materyal na ari-arian nitong mundo na nalalapit ng mawasak. Dapat tayong masiyahan sa binigay ng Diyos sa atin, gamitin at ibahagi sa iba sa ikalulugod ng Diyos. Ang mga materyal na bagay ng mundo ay kailangan lamang upang maglingkod sa Diyos. Dapat tayong mamuhay bilang mga tapat na lingkod na namamahala sa mga binigay ng Diyos sa kanila para sa pangangaral ng ebanghelyo. Hindi tayo dapat patatali sa mga materyal na bagay ng mundo, dahil naniniwala tayo na wawasakin ng Diyos itong daigdig.
Hindi natin dapat dayain ang ating mga sarili aakalain na ang yaman at halaga nitong mundo’y kailanma’y magtatagal. Yamang nalalaman na yuyurakan ng Diyos ang lahat ng mga pinuno ng relihiyon at maging kanilang mga tagasunod, dapat tayong mamuhay na naghihintay sa araw ng pagbabalik ng Panginoon. Kung hindi, mahuhulog tayo sa daigdig, daigdig na di-maglaon ay mawawasak. Sa gayon, upang hindi mahulog sa isang mundo na mahaharap sa kanyang pagkawasak, tayo’y dapat na maniwala na itong daigdig ay talagang mawawasak.
Ang Diyos ay buhay sa oras na ito, at kapag dumating ang oras, Kanyang matutupad lahat ng Kanyang sinabi. Tunay na maging sa mga isinilang na muli mayroon sa kanila na ang pananampalataya ay hindi pa ganap na lubusan, gayunman dapat tayong manalig ng walang pag-aalinlangan. At tayong lahat ay dapat muling magising. Hindi dapat manghina ang ating mga kalooban sa mundong ito na malapit ng mawasak, sa halip ay mamuhay na may matibay at di-naliligalig na pananalig sa Salita ng Diyos. Nanghihina kung minsan ang ating mga puso, nguni’t dapat tayong mamuhay pa rin sa pamamagitan ng matibay na pananalig.
Gagawin ng Diyos lahat nitong mga bagay dito sa mundo na magiging kahanga-hanga sa atin. Kung hindi wawasakin ng Diyos itong mundo at magtatayo ng bagong Kaharian ni Cristo, ang matuwid ay lubos na mabibigo. Ito ang dahilan kung bakit ang plano ng Diyos ay lubos na kamangha-mangha, at bakit ito nagbibigay pag-asa sa mga hinirang na matuwid.
Kung manatiling mangmang ang mga di-mananampalataya at namumuhay na mabuti sa kasiyahan habang narito sa lupa at makapasok sa Langit kasama natin, ito’y di-makatarungan sa atin at di-hahayaan ng Diyos na ito’y mangyari. Ang pangako ng Diyos, na Kanyang hahatulan at wawasakin lahat nga ng mga umusig sa mga matuwid, nagpahirap sa kanila dahil sa kanilang kasinungalingan, at pinagdanak ang dugo ng mga hinirang, ay makatarungan at nararapat.
Kung walang hatol ang Diyos para sa mga makasalanan nitong mundo, makatarungan ba sa mga matuwid na namuhay ng lahat nilang buhay alang-alang sa Panginoon sa pagtitiis sa kabila ng maharap sa lahat ng uri ng mga ligalig at mga pasakit? Nararapat lamang na hatulan ng Diyos itong mundo. Kapag ang mundong ito’y naging tulad ng mundo ng panahon ni Noe, tiyak na liligligin ng Diyos itong mundo at wawasakin.
Dahil tayo’y nananalig sa Panginoon, hindi tayo naiinggit sa mga tao ng sanlibutan. Dahil sinabi ng Diyos na Kanyang hahatulan itong sanlibutan at itatapon si Satanas, ang Anticristo at kanyang mga alipin sa apoy ng impiyerno, tayong lahat ay makapagtitiyaga at makapaghihintay.
Itong mundo ay isang minuto na lamang ang layo upang mawasak, lahat ay ayon sa mga hula ng Salita ng Diyos. Sa buong mundo, nakakita na tayo na maraming mga tanda nagbabadya ng napipintong pagdating ng mga salot ng mga huling araw.
Ang mga di-pangkaraniwang panahon tulad ng “El Niño” at gayong mga bagong sakit tulad ng “Mad Cow Disease” ang lumiliglig dito sa lupa. Mga sakit na walang kagalingan kung saan ang sangkatauhan ay walang-kapangyarihan upang lutasin ay nilalamon ang daigdig, tulad ng gayong malawakang, nakaraang mga di-maipaliwanag na mga sakuna tulad ng labis na kagutuman at nakawawasak na mga lindol na humampas sa buong daigdig.
Kapag lahat ng mga ito’y nangyari, dapat tayong manalig na ang Diyos ay buhay, at mamuhay na nalalaman na hahatulan ng Diyos at ibabagsak lahat ng mga namuhay lang sa kanilang pita na magtipon ng kanilang yaman habang narito sa lupa. Ang kasalanan ay naging palasak sa mundo ngayon. Itong mundo ay labis ang karangyaan sa mga luho. Ang tao’y labis na abala sa pag-aasawa, pagkain at pag-inum, at pagpapatayo ng kanilang mga bahay kaysa mag-ukol ng panahon sa kanilang espirituwal na kapakanan. Ang mundo ngayo’y isang mundo kung saan ang lalaki ay gumagawa ng kasalanang seksuwal sa kapwa lalaki, at hindi iilang babae ay nag-aapoy ang kanilang pagnanasa sa isa’t isa (Roma 1:27).
Hindi ba ganito ang mundo noong panahon ni Noe? Marahil alam mong lubos na ang pinagmulan ng salitang “sodoma.” Nang ang Sodom at Gomora ay winasak, ang kanilang kultura ay tulad ng ngayong mundo. Itong mundo ay naging labis na makasalanan, sa lawak na kailangang magpadala ang Diyos ng apoy at tupukin ito hanggang maging abo, at ito’y naging lugar na titirhan ng mga demonyo.
Ang Mga Huwad na Propeta ay Papatayin
Ang mga huwad na propeta na laging hanap ay mga materyal na ari-arian at labag sa batas na nagpaparami ng yaman, nagtatago sa likuran ng kaugnay na pansariling pagpalawig ng kanilang mga pangrelihiyong institusyon. “Kung ika’y nananalig kay Jesus, magiging mayaman ka, mamumuhay ng mabuti, at mapapagaling ang iyong karamdaman”—dapat mong malaman na sa likuran ng bawa’t gayong kasinungalingan, ang nakatagong lihim ay materyal na pagsasamantala ay laging naroon.
Sa Korea rin noon, magmula ng mawala ang pangunahing pananampalataya ng Kristiyanismo at nagkaroon ng katiwalian, sa lahat ng uri ng mga puwersang masasama na palasak sa pangalan ni Jesus. Ito ang katotohanan ng Kristiyanismo ngayon. Nguni’t sa mga huwad na propeta na sumusukat ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga materyal na ari-arian ng mundo at gumagawa ng mga panggagaway sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, ang Kanyang kakila-kilabot na hatol ng impiyerno at mga dakilang salot ng pitong mangkok ay naghihintay.
Sinasabi ng Diyos sa atin na ang mga nanlilinlang sa tao at ang mga nalinlang ng mga huwad na propeta ay parehong mahahatulan. Hindi tayo dapat mag-ukol sa mundo at sumunod dito. Sa halip tayo’y dapat na manalig na ang Diyos ay buhay, ang mga di-nananalig kay Jesus, ay lumalaban sa Kanya at uusigin ang mga matuwid lahat sila’y hahatulan sa walang-hanggang kamatayan. At dapat din tayong manalig na matapos mahatulan ang mundo, tiyak na gagantimpalaan ng Diyos ang mga hinirang dahil sa lahat nilang paghihirap at pasakit alang-alang sa pangalan ni Cristo.