• All e-books and audiobooks on The New Life Mission website are free
  • Explore multilingual sermons in global languages
  • Two new revised editions in English have been released
  • Check out our website translated into 27 languages
Search

Sermons

Paksa 10: Ang Pahayag (Mga Komento sa Pahayag)

[Kabanata 20-2] Paano Tayo Makatatawid mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay (Apocalipsis 20:1-15)

(Apocalipsis 20:1-15)
 
 
Sinabi ng Diyos atin na kapag Kanyang pinaglaho itong mundo at sa halip ay ibibigay sa atin ang Bagong Langit at Lupa, Kanyang ibabangong muli ang bawa’t makasalanang nabuhay dito sa lupa at ang natulog sa kanyang libingan. Sa talatang 13 ay sinasabi, “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.” Ang katawan ng isang taong nalunod sa tubig marahil ay nilapa ng isda, habang ang taong nilamon ng apoy ay hindi na makikila ang bangkay nito. Nguni’t sinasabi ng Biblia sa atin na sa pagdating ng huling araw, bubuhaying muli ng Diyos ang lahat at hahatulan sila upang ipadala sa Langit o sa impiyerno, sila ma’y nilamon ni Satanas, pinatay sa Hades, o namatay sa apoy.
Bago isasantabi ng Diyos ang Aklat ng Buhay, kung saan nakatala ang pangalan ng mga papasok sa walang-hanggang Kaharian ng Langit. Naroon din ang mga Aklat ng mga Gawa, nakatala ang mga pangalan at mga kasalanan ng lahat ng itatapon sa impiyerno. Sa mga Aklat ng mga Gawa ay nakasulat lahat ng kasalanan habang narito sa lupa. Lahat ng mga ito’y nalalaman ng Diyos sa Kanyang pagtalaga.
 
 
Ang Panginoon ay May Dalawang Uri ng Aklat
 
Inuri na ng Diyos ang tao sa dalawang magkakabit na natatanging kategorya ayon sa Kanyang sariling matuwid na pamantayan. Itinalaga ng Diyos na lahat ng patay ay bubuhaying muli, at tatayo sa harapan ng Kanyang dalawang aklat at hahatulan. Sa Aklat ng Buhay ay nakatala ang mga pangalan lamang ng mga nanalig kay Jesus habang narito sa lupa, nakamtan ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa gayo’y tinalaga na pumasok sa Langit. Ang huling hatol ng Diyos ay nakasalalay kung saang aklat nakatala ang pangalan ng isang tao. Itinalaga na ng Diyos, sa ibang pananalita, kung sino ang papasok sa Langit at sinong ibubulid sa impiyerno.
Samakatuwid bubuhaying muli ng Diyos lahat ng mga patay, bubuksan ang Kanyang mga Aklat, at titignan kung alin sa dalawang aklat nakasulat ang kanilang mga pangalan. At Kanyang ipapadala sa Langit yaong ang pangalan ay nakasulat sa Aklat ng Buhay, nguni’t yaong ang pangalan ay di-makikita sa Aklat ng Buhay, ay itatapon sa impiyerno. Dapat nating tiyaking nalalaman at nananalig sa mga tinaguyod na katotohanang tinalaga ng Diyos. 
Upang ipasiya kung sino ang dadalhin sa Langit at sino sa impiyerno, bubuhaying muli ng Diyos lahat ng patay at hahatulan sila. Ipinasiya ng Diyos na Kanyang hahatulan sila ayon sa kung ang kanilang mga pangala’y nakasulat sa Aklat ng Buhay o sa mga Aklat ng mga Gawa (ang mga Aklat ng Paghahatol).
Mayroong dalawang dako na inilagay ang Diyos para sa lahat ng haharap sa Kanya. Walang iba kundi ang Langit at impiyerno. Ang Impiyerno’y ang lawa ng apoy kung saan ang mga liyab at mga asupre’y nag-aapoy. Tinalaga ng Diyos na ang mga pangalang di-nakatala sa Aklat ng Buhay ay ibubulid sa lawa ng apoy, habang ang mga pangalang nakatala sa Aklat ng Buhay ay papapasukin sa Langit.
Sa Langit, ang Puno ng Buhay ay nakatanim sa ilog ng tubig ng buhay, nagbubunga ng labindalawang uri ng mga bunga sa kapanahunan. Itong napakagandang Langit, hindi magkakasakit ang mga hinirang ni maghihirap, nguni’t mabubuhay na maligaya sa piling Diyos magpakailan man. Dapat tayong manalig sa katotohanang pinasiya ng Diyos na ibibigay sa mga hinirang itong Langit.
Ang mga di-nanalig kay Jesus, sa kabilang dako’y naroon ang kanilang mga pangalan sa mga Aklat ng mga Gawa. Dahil lahat ng mga gawa ng mga makasalanan habang narito sa lupa’y nakatala sa mga Aklat na ito, sinabi ng Diyos na Kanya silang itatapon sa lawang apoy, upang parusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan, at dahil sa kasalanang di-pananalig kay Jesus. Ang pinakamahalaga rito ay kung saang Aklat nakasulat ang iyo at aking pangalan.
Habang nabubuhay dito sa lupa, dapat nating malaman na ang buhay dito sa mundo ay hindi lahat ng ito. Tulad ng sinabi sa atin ng Awit 90:10, “Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, O kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon, gayon ma’y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang, sapagka’t madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.” Kahit pa tayo mabuhay dito sa lupa ng 70 o kahit 80 taon, di-maglao’y haharap tayo sa Diyos. At sa kahulihan man tayo’y humarap sa ating Panginoon, ang mahalaga’y saang aklat nakasulat ang ating pangalan, sa Aklat ba ng Buhay o sa mga Aklat ng mga Gawa (mga Aklat ng Paghahatol), dahil dito malalaman kung tayo’y nararapat sa Langit o ibubulid sa lawang apoy. Dapat nating makilala na ang buhay dito sa lupa ay hindi lahat ng bagay.
 
 
Yaong ang mga Pangalan ay Nakatala sa Aklat ng Buhay
 
Ating tignan ang Lucas 16:19-26: “Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya’y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana, at isang pulubi na ang pangala’y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan. At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman, oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. At nangyari, na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham, at namatay naman ang mayaman, at inilibing. At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. At siya’y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagka’t naghihirap ako sa alab na ito.’ Datapuwa’t sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay, datapuwa’t ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin.’”
Sa mga talatang ito, tinuro ni Jesus sa atin na mayroong Langit at impiyerno. Tulad ng mayaman sa talatang ito, maraming tao ang di-naniniwala sa Langit at impiyerno. Si Abraham ang ama ng pananampalataya. Nang sabihin dito na ang pulubing si Lazaro ay dinala sa sinapupunan ni Abraham, ibig sabihin, tulad ng pananalig ni Abraham sa Salita ng Diyos, si Lazaro ma’y nanalig kay Jesus bilang kanyang Tagapagligtas, nakamit ang kapatawaran sa kanyang mga kasalanan, at sa gayo’y pumasok sa Langit. Ang mamuhay dito sa lupa, lahat tayo’y kailangang magmunimuni at pagnilayan ang mga tadhana ni Lazaro at ang mayaman.
Sinabi ng Diyos sa atin upang ang bawa’t isa sa mundong ito, ang buhay dito sa lupa ay hindi lahat ng bagay na ito. Gaano man ang pagpapagal ninuman dito sa lupa, hindi dahil siya’y mabubuhay ng halos 70-80 taon, ang mananatili sa kanya sa huli’y pagod at kalungkutan.
Sa ating pamumuhay, samakatuwid, lahat tayo’y maghanda sa susunod na buhay. At dapat din nating ipamana ang ating pananampalataya sa ating mga anak, upang sila rin ay makarating sa mabuting dako. Kalunos-lunos sa isang tao, ang nabuhay sa mundong ito, sa huli’y haharap sa Diyos upang hatulan lamang Niya’t itapon sa lawang apoy.
Walang makapagbabago sa pasiya ng Diyos, na lahat ng pangalang nakasulat sa mga Aklat ng mga Buhay ay ibubulid sa lawa ng apoy. Mayroon lamang kung gayon isang paraan para sa atin na maiwasan ang lawa ng apoy, at upang tiyaking nakasulat ang ating mga pangalan sa Aklat ng Buhay. Upang makatakas mula sa lawa ng apoy, walang ibang paraan kundi ang masulat ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay. 
Paano, kung gayon masusulat ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay? Tulad ni Lazaro na hinatid sa sinapupunan ni Abraham, kaya ating dapat na makamtan ang kapatawaran ng ating mga kasalanan sa pag-aalam at pananalig sa matuwid na gawa ng Diyos (Roma 5:18) sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Saka lamang tayo makapapasok ng Langit. Upang masulat ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay, dapat tayong manalig kay Jesus. Si Jesus ay ang Diyos mismo at ating Mesias. Ang ibig sabihin ng Mesias, Siyang Tagapagligtas ng mga nagkakasala. Tanging si Jesus ang magliligtas sa atin, Siya, dahil sa ating mga kasalanan, kundi’y mahahatulan ng Diyos at itatapon sa lawa ng apoy.
Sino sa mundong ito ang di-nagkakasala sa harap ng Diyos, at sino sa atin ang may 100 porsiyentong banal na gawain? Wala ni isa! Dapat nating malaman na dahil tayo’y puno ng pagkukulang, walang magagawa kundi ang magkasala, at dahil sa mga kasalanang ito tayo’y dapat na itapon sa lawang apoy.
Nguni’t sinugo ng Diyos si Jesus sa mundong ito para tayo maligtas, tayong mga patungo sa lawa ng apoy dahil sa ating mga kasalanan. Ang ibig sabihin ng pangalang ‘Jesus’ ay ang ‘Siyang magliligtas sa Kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan’ (Mateo 1:21). Samakatuwid, tayo’y makapapasok lamang sa Langit kung tayo’y mananalig sa katotohanan na si Jesus ay naparito sa lupa at niligtas tayo sa lahat ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na gawa.
 
 
Sino Kung Gayon ang Itatapon sa Lawa ng Apoy?
 
Sa Apocalipsis 21:8 ay sinabi sa atin kung sino ang itatapon sa lawa ng apoy: “Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat ng mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Una sa lahat, sino ang tinutukoy na ‘duwag’ sa Biblia? Ito’y tumutukoy sa mga naturingang Kristiyano nabigong kamtan ang kapatawaran sa lahat nilang kasalanan sa pamamagitan ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, at samakatuwid sila’y duwag sa harap ng Diyos bagaman sila’y naniniwala kay Jesus. Pinasiya ng Diyos na ang gayong tao’y nararapat na itapon sa lawa ng apoy. Tinalaga rin ng Diyos na ang mga di-mananampalataya, lapastangan, mamamatay, mahahalay, mangkukulam, sumasamba sa dios-diosan, at mga sinungaling lahat ay itatapon sa impiyerno.
Kinaugalian na, maraming mga mananamba sa dios-diosan sa Korea. Maging ngayon, karaniwang makakakita ng taong yumuyukod sa harap ng mga rebulto at nag-aalay ng dasal sa kanila. Dahil sa kamangmangan kaya ito’y kanilang ginagawa. Namumuhi ang Diyos kapag ang tao’y sumasamba sa mga rebultong walang-buhay na parang ang mga ito’y banal.
Nilikha ng Diyos ang tao sa Kanyang sariling anyo (Genesis 1:27). Ang sangakatauhan din ay ang panginoon ng lahat nilikha. Dahil tayo’y mula sa sariling anyo ng Diyos, tayo’y mananatili magpakailan man, tulad ng Diyos na mananatiling buhay kailan man. Mayroong walang hanggang mundo para sa atin matapos ang kamatayan. Itong dahilan bakit sinabi ng Diyos na sambahin Siya, ang tanging Diyos ng walang-hanggan. Ano kung gayon, ang mangyayari kung tayo’y yuyukod sa mga nilikha ng Diyos? Tayo’y gumagawa ng malaking kasalanan laban sa Diyos, dahil ating ginagawa ang kinamumuhian ng Diyos: ang pagsamba sa dios-diosan. Lubos ang kamangmangan ng tao. Pinasiya ng Diyos, dapat nating malaman, na ang may mga ganitong uri ng maling pananampalataya’y itatapon sa lawang apoy. 
Ang taong tinapon sa impiyerno’y dalawang beses mamamatay. Ang unang kamataya’y darating sa dulo ng kanilang magulong buhay dito sa lupa, matapos mamuhay dito sa mundong nakapapagod. Kadalasang sinasabi na ang siyang nabuhay sa apat na paa sa una, pagkatapos sa dalawang paa, sa huli’y sa tatlong paa, upang mamatay lamang sa huli, ay walang iba kundi ang sangkatauhan mismo.
Matapos mamatay ng minsan sa ganitong paraan, kapag ang tao’y humarap sa Diyos bilang mga makasalanan, lahat sila’y haharap sa kanilang hatol, at sa oras na ito ay ang ikalawang kamatayan, na hindi matatapos kundi magpakailan man, dadalaw sa kanila, sa anyo ng pagkabulid sa lawa ng apoy. Kung sila’y mamamatay dito sa lawa ng apoy, matatapos sana ang paghihirap mula rito. Nguni’t sa dakong ito, bagaman ninanais nilang mamatay, lalayo sa kanila ang kamatayan.
Ang sinuma ay nagnanais na mabuhay magpakailan man, ayaw maharap sa kamatayan. Ang pananatili ng tao, sa katotohana’y, talagang walang-hanggan, tulad ng hangad ng tao. Ito kung bakit sa Biblia, kapag namatay, ay hindi nilarawan bilang kamatayan, kundi isang pagkakatulog. Tayo samakatuwid ay dapat na tumakas mula sa pangalawang kamatayang magbubulid sa atin sa lawa ng apoy. Dapat nating malamang lahat kung ano ang ating dapat na gawin upang masulat ang ating pangalan sa Aklat ng Buhay. At upang mailagay ang ating mga pangalan sa Aklat ng Buhay, dapat tayong manalig ng wasto kay Jesu-Cristo.
Kadalasa’y inaakala ng tao at sinasabi na si Jesus, Budda, Confucius, at Mohammad lahat ay matuwid na tao, husto lamang ang mabuhay bilang isang taong mabuti, kaya hindi nila mauunawaan kung bakit pinipilit natin na dapat silang manalig lamang kay Jesus. Nguni’t ang lahat ng mga ito’y maling kaisipan. Ikaw at ako, maging lahat ng bagay dito sa lupa, ay walang saysay kundi mga pawang nilikha at mga tao sa harap ng Diyos. Nguni’t kung ating titignan ang kapanganakan ni Jesus at kung ano ang Kanyang nagawa rito sa lupa, tayong lahat ay malalaman na hindi lang Siya isang tao tulad ng apat na Paham. Siya ang Diyos mismo na nagligtas sa sangkatauhan, naparito sa lupa sa anyo ng isang tao, kinuha lahat ng ating mga kasalanan sa Kanyang bautismo, tinanggap lahat ng parusa ng ating mga kasalanan alang-alang sa atin, at sa gayo’y tinapos ang Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan.
Ang kapanganakan ni Jesus ay kaiba sa pagsilang ng karaniwang tao. Ang mga sanggol ay naisisilang sa pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Ganito isinisilang ang sinuman dito sa mundo. Nguni’t si Jesus ay isinilang ng isang birhen na hindi sinipingan ng lalaki. Upang iligtas ang sangkatauhan, at ayon sa kaganapan ng Salita ng hulang sinabi halos 700 taon sa pamamagitan ni Propeta Isaias, si Jesus, na Siyang Diyos, ay isinilang dito sa mundo sa laman ng isang tao, sa pamamagitan ng katawan ng isang birhen (Isaias 7:14). At habang narito sa lupa hindi lamang Niya binuhay ang patay at pinagaling ang may sakit at ang may kapansanan, nguni’t Kanya ring pinaglaho ang lahat ng kasalanan ng sanlibutan.
Ang Diyos, ang Panginoon ng nilikha na gumawa ng buong kalawakan, naparito sa mundo at naging isang tao panumandali, lahat upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanyang mga kasalanan. Ang dahilan bakit dapat tayong manalig kay Jesus, una sa lahat, dahil Siya mismo ang Diyos. Pangalawa, dahil kinuha Niya lahat ng ating mga kasalanan, upang ang ating mga pangala’y masulat sa Aklat ng Buhay, at naging mga anak ng Diyos na walang kasalanan. Minsan isinilang dito sa mundo, tayong lahat ay mamamatay ng minsan, at matapos ang ating kamatayan tayong lahat ay mahahatulan.
Nguni’t si Jesus ay naparito sa lupa, kinuha lahat ng ating mga kasalanan sa Kanyang bautismong tinanggap mula kay Juan, hinatulan sa Krus alang-alang sa atin, at sa gayo’y pinahintulutan tayong mga nananalig sa Kanya na manirahang kasama Niya sa walang hanggang Kaharian ng Langit. Upang maligtas tayo sa hatol ng kasalanan, sa ibang pananalita, nilinis tayo ng Diyos mismo sa lahat ng ating kasalanan. Ito kung bakit tayong lahat ay dapat manalig kay Jesus, Siya na naging Tagapagligtas.
Si Jesus ay hindi lamang basta isang tao. Dahil pinangako ng Diyos na ililigtas ang sangkatauhan, at upang tuparin itong pangako Siya’y naparito sa laman ng isang tao sa pamamagitan ng katawan ng isang birhen, at dahil Siya nga’y nagligtas sa lahat ng kanilang kasalanan, tayong lahat ay dapat manalig kay Jesus, na Siyang Diyos mismo. Kapag tayo’y nanalig ng wasto kay Jesus, ang ating mga pangala’y masusulat sa Aklat ng Buhay. Sinabi ng Diyos sa atin na yaon lamang isinilang sa tubig at sa Espiritu ang makakakita at makapapasok sa Kaharian ng Langit. Lahat tayo’y dapat manalig kay Jesus.
 
 
Si Jesus ang Siyang Naging Daan tungo sa Langit
 
Tayo, sa gayo’y, dapat na malaman kung paano pinaglaho ni Jesus ang lahat ng ating kasalanan. Sa pagparito sa lupa, si Jesus ay binautismo ni Juan sa Ilog Jordan (Mateo 3:13-17). Tinanggap Niya ang Kanyang bautismo mula kay Juan upang Kanyang alisin lahat ng kasalanan ng sangkatauhan (kasama ng lahat ng iyo at akin). Sa pamamagitan ng mga kamay ni Juan Bautista, ang kinatawan ng buong sangkatauhan, bawa’t kasalanan ng buong sangkatauha’y sinalin kay Jesus. Matapos ngang kuhanin lahat ng kasalanan ng mundo tungo sa Kanya sa pamamagitan ni Juan, nagdanak ang Kanyang dugo sa Krus at namatay. At Siya’y bumangong muli mula sa kamatayan makalipas ang tatlong araw.
Pinangako ng ating Panginoon na sinuman ang manalig sa Kanya’y makakamit ang buhay na walang hanggan. Tinalaga ng Diyos na sinuman ang manalig sa katotohanan na kinuha ni Jesus lahat ng kanyang kasalanan at tinanggap lahat ng parusa nitong mga kasalanan sa Krus ay di-mabubulid sa lawang apoy, bagkus sa halip ay masusulat ang kanyang pangalan sa Aklat ng Buhay.
Sinabi ni Jesus sa Juan 14:6, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay, sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko.” Ang sangkatauha’y dapat na manalig kay Jesus na naging daan tungo sa Langit. Si Jesus ang ating Tagapagligtas. Si Jesus ang ating Diyos. Si Jesus ang tanging tunay na katotohanan nitong mundo. At si Jesus ang Panginoon ng buhay. Upang matiyak na masulat ang ating mga pangalan sa Aklat ng Buhay at tayo’y makapapasok sa Kaharian ng Langit, tayong lahat ay dapat manalig kay Jesus.
Dahil tunay ni inalis ni Jesus lahat ng ating kasalanan dahil sa pagtanggap Niya ng bautismo mula kay Juan Bautista sa Ilog Jordan, dapat tayong manalig sa Kanya, Siya na naging Tagapagligtas ng pagtutubos. At dahil tinapos lahat ni Jesus ang ating kaligtasan dahil sa pagpako at pagdanak ng Kanyang dugo sa Krus bilang parusa sa ating mga kasalanan upang ikaw at ako ngayo’y makapasok sa Langit.
Pinasiya ni Jesus kung sino ang ibubulid sa lawa ng apoy. Ang mga di-nanalig at duwag lahat ay itatapon sa lawa ng apoy. Hindi lamang sila itatapon sa lawa ng apoy dahil sa kanilang di-pagsampalataya, kundi maging ang kanilang mga anak at mga apu-apuhang darating. Upang makamit ang espirituwal at pisikal na kaayusan ng buhay, bawa’t isa’y dapat ngang manalig kay Jesus.
 
 
Paano Kung Hindi Tinanggap ni Jesus ang Kanyang Bautismo?
 
Tanging ang Diyos lamang ang Siyang nagbibigay ng mga pagpapala o mga sumpa sa bawa’t nilalang. Ito kung bakit dapat tayong manalig sa Kanya. Alam mo ba kung bakit maraming tao ang may miserableng buhay, bakit bumabagsak ang mga bansa dito sa mundo? Ito’y dahil sinabi ng Diyos na Kanyang susumpain ang mga namumuhi sa Kanya at sumasamba sa mga diyos-diyosan ng tatlo, apat na henerasyong darating. Nguni’t Kanya ring sinabi na pagpapalain Niya ng ilang libong henerasyong darating ang mga naglingkod at umibig sa Diyos at tumupad ng Kanyang utos (Exodo 20:5-6).
Hindi ibig sabihin na ang sinumang nanalig kay Jesus, siya’y walang-pasubaling pagpapalain. Ang isa’y dapat manalig kay Jesus sa wastong kaalaman sa Kanya. Kung ang tao’y mananalig, sa ibang pananalita, na si Jesus ay ang Diyos mismo na naparito sa mundo, na Kanyang hinugasan lahat ng kanilang kasalanan sa pamamagitan ng pag-alis ng mga ito sa Kanyang bautismo, at Siya’y naging kanilang tunay na Tagapagligtas sa pagpapako alang-alang sa kanila—kung sila’y mananalig na si Jesus ay kanilang sariling Diyos at Tagapagligtas—sinabi ng Diyos na Kanya pagpapalain yaong nanalig hanggang sa isang libong henerasyong darating.
Nguni’t kasabay nito, pinangako rin ng Diyos sa atin na Kanyang susumpain ng ikatlo, ikaapat na henerasyong darating ang di-mananalig kay Jesus. Ito kung bakit bawa’t isa, kahit sino man sila, dapat na manalig kay Jesus, at kung bakit bawa’t isa’y dapat malaman at manalig sa katotohanan ng pagsilang na muli sa tubig at sa Espiritu. Yaong taglay ang gayong pananalig ay patatawarin sa lahat nilang kasalanan, kamtan ang buhay na walang hanggan, papasok sa Langit, tatanggap din habang narito sa lupa, lahat ng mga pagpapala ng Diyos na binigay din kay Abraham noon.
Tayong lahat ay dapat manahan sa Salitang ito na pinasiya ng Diyos para sa atin, at ang ating pananampalataya’y dapat ayon sa Salitang nakasulat. Dapat nating malaman at manalig sa katotohanang ang di-nanalig sa Diyos ay ibubulid sa lawa ng apoy, nguni’t yaong nanalig, sa kabila nito, masusulat ang kanilang mga pangalan sa Aklat ng Buhay at tatanggapin sa Bagong Langit at Lupa. At dapat din tayong manalig na tayo’y mabubuhay na muli. Na tayo’y isinilang na muli ay naging posible lamang dahil sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Tulad ng walang mabubuhay kung walang tubig, ang ebanghelyo ng tubig kasama ang ebanghelyo ng dugo, ay napakahalaga para sa ating kaligtasan. Nang si Jesus ay bautismuhan, Kanyang nilagay lahat ng ating kasalanan sa Kanyan sarili. At Siya’y nilubog sa tubig at umahon mula sa tubig. Ibig sabihin nito’y Kanyang kamatayan sa Krus at Kanyang pagkabuhay na muli. Ang ating Panginoon, sa ibang pananalita, ay hinatulan dahil sa lahat ng ating kasalanan alang-alang sa atin. At ang pag-ahon ni Jesus mula sa tubig ay nangangahulugan ng Kanyang pagkabuhay na muli. Ibig sabihin din ito’y ating sariling pagkabuhay na muli, sa atin na mga nananalig.
Lubos tayong nanalig na kinuha ni Jesus ang ating mga kasalanan sa Kanyang bautismo. Kung hindi tinanggap ni Jesus ang Kanyang bautismo, anong mangyayari sa atin? Wala ng paraan upang tayo’y makatakas mula sa lawa ng apoy. Kung walang ulan walang mabubuhay dito sa lupa, ang mundo’y nananatili dahil sa tubig. Gayon din, ganito kahalaga ang bautismo ni Jesus para sa atin. Ang Kanyang kamatayan din sa Krus ay gayon ang kahalagahan, dahil ito’y nangangahulugan na Siya’y hinatulan dahil sa ating mga kasalanan sa halip na tayo. Kung nais nating makatakas mula sa sumpa at hatol ng Diyos, dapat tayong lubos na manalig kay Jesus. At kung nais nating mahugasan sa ating mga kasalanan, dapat tayong manalig na lahat ng ating mga kasalanan ay sinalin kay Jesus nang Siya’y bautismuhan.
Ang pananampalataya ng Kristiyano kailanma’y di katulad ng relihiyon na nagbibigay takot sa tao. Bawa’t isa’y dapat manalig kay Jesus. Ang mga isinilang na muli’y dapat dumalo sa isinilang na muling Iglesia at makinig sa Salita upang lumago ang pananampalataya.
Ang ibang tao’y umaangkin na dapat manalig kay Jesus at gumawa ng mabubuting gawa upang maligtas at makamit ang mga pagpapala, nguni’t lahat ng ito’y huwad na pag-angkin ng mga sinungaling. Oo dapat tayong mamuhay bilang isang mga malinis na Kristiyano na may mabubuting gawa, nguni’t kung tutukuyin ang pangunahing suliranin ng ating kaligtasan, tayo’y likas na makasalanan at wala sa atin ang makapamumuhay sa laman ng 100 porsiyentong ganap. Ito kung bakit yaong umaangkin na dapat maligtas ang sinuman sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa ay mga sinungaling mangmang sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu at dinadaya ang tao.
Kung kikilalanin natin ang ating mga sarili na tayo’y likas na bihag na kasalanan, kung ating pagninilayan ang bautismong tinanggap ni Jesu-Cristo at ang Krus na Kanyang pinasan para sa atin mula sa nakasulat na Salita ng Diyos, at kung ating tatanggapin lahat nitong mga bagay, saka lamang tayo magiging matuwid, na ang mga puso’y walang kasalanan, at nararapat na pumasok sa Langit. Bago manahan ang Banal na Espiritu sa ating mga puso at gabayan tayo, wala ni isa sa atin ang mabuti, anuman ang ating pagsisikap.
Niligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng ating kasalanan. Sa halip na itapon tayo sa lawa ng apoy ng nagniningas magpakailan man, sinulat Niya ang ating mga pangalan sa Aklat ng Buhay, binigay sa atin ang Bagong Langit at Lupa, at, tulad ng mga babaeng ikakasal na nagpaganda sa kanilang mga sarili para sa Lalaking ikakasal, Siya rin, ay binigay sa atin ang pinakamalinis at pinakamagandang bahay, mga hardin, at mga bulaklak. At Kanyang ring aalisin sa atin ang mga karamdaman, at maninirahang kasama natin magpakailan man sa Kanyang Kaharian. Dapat tayong manalig kay Jesus alang-alang sa ating susunod na buhay, nguni’t dapat din tayong manalig sa Kanya para sa ating kasalukuyang mga buhay. Alang-alang din sa ating mga anak, tayo’y dapat na manalig.
Nais mo bang makapasok sa Langit, o nais mong mabulid sa lawa ng apoy? Anong uri ng mana ang iyong ibibigay sa iyong sariling mga anak? Kahit na ika’y nahaharap sa mga kahirapan at pasakit para sa iyong pananalig kay Jesus, dapat ka pa ring manalig sa Kanya, sa gayon maghahatid ka ng maraming mga pagpapala para sa iyo at sa iyong mga anak.
Aking mga minamahal na hinirang, sa pamamagitan ng Kanyang Salita, sinabi ng Diyos sa atin ang dahilan kung bakit dapat nating ipangaral ang ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, at ang dahilan kung bakit ang ating mga kasambahay ay dapat ding maligtas. Binibigay ko ang aking mga pasasalamat sa Diyos.