(Exodo 25:10-22)
“At sila’y gagawa ng isang kaban na kahoy na akasya na may dalawang siko’t kalahati ang haba niyaon, at may isang siko’t kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko’t kalahati ang taas niyaon. At iyong babalutin ng taganas na ginto, sa loob at sa labas ay iyong babalutin at igagawa mo sa ibabaw ng isang kornisa sa palibot. At ipagbububo mo ng apat na argolyang ginto, at ipaglalagay mo sa apat na paa niyaon, at dalawang argolya ang mapapasa isang tagiliran niyaon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon. At gagawa ka ng mga pingga na kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto. At iyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban upang mabuhat ang kaban. Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban, hindi aalisin doon. At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdaan ng patotoo na aking ibibigay sa iyo. At gagawa ka ng isang luklukan ng awa, na taganas na ginto, na may dalawang siko’t kalahati ang haba niyaon, at may isang siko’t kalahati ang luwang niyaon. At gagawa ka ng dalawang kerubing ginto na yari sa pamukpok iyong gagawin sa dalawang dulo ng luklukan ng awa. At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo at ang isang kerubin sa kabilang dako, kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyaon. At ibubuka mo ng mga kerubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga kerubin. At iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban, at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo na Aking ibibigay sa iyo. At diya’y makikipagkita Ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay Ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel.”
Ang paksa ngayon ay sa Kaban ng Tipan. Ang Kaban ng Tipan ay may sukat na 113 sentimetro ang haba, 68 sentimetro ang lapad at 68 sentimetro ang taas, ito’y gawa sa akasyang kahoy at nilatagan ng dalisay na ginto. Sa loob ng Kaban, ay may dalawang tableta ng bato nakaukit ang Sampung Utos at isang gintong palayok ng mana, at di-maglaon, ang tungkod ni Aaron na namulaklak ay isinama roon. Ano kung gayon, sinasabi sa atin ukol sa tatlong bagay na inilagay sa loob ng Kaban ng Tipan? Sa pamamagitan ng mga ito, nais kong ibigay ang masusing paliwanag nitong tatlong ministeryo ni Jesu-Cristo. Atin ngayong suriin ang espirituwal na katotohang nahayag nitong tatlong bagay sa loob ng Kaban ng Tipan.
Ang Dalawang Tabletang Bato na Nakaukit ang Kautusan
Ang dalawang tabletang bato na nakaukit ang Kautusan na inilagay sa loob ng Kaban ng Tipan ay sinasabi sa atin na ang Diyos ay ang Mambabatas na nagbigay sa atin ng Kanyang mga kautusan. Sinasabi sa Roma 8:1-2,“Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus. Sapagka’t ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” Mula sa salaysay na ito, makikita natin na tinalaga ng Diyos ang dalawaang kautusan sa ating mga puso: ang kautusan ng buhay at ang kautusan ng hatol.
Sa dalawang kautusang ito, hinatid ng Panginoon ang hatol at kaligtasan sa lahat ng tao. Una sa lahat, ating makikilala sa pamamagitan ng Kautusan na tayo’y mga makasalanang tiyak na natalaga sa impiyerno. Subali’t, sa mga nakakaalam sa kanilang likas na kasalanan at hatol na tadhana, binigay ng Diyos ang Kanyang kautusan ng kaligtasan, “na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” Ang Diyos ay naging tunay na Tagapagligtas para sa lahat sa pagbibigay sa kanila nitong dalawang kautusan.
Ang Mana sa Loob ng Gintong Palayok
Ang gintong palayok na makikita rin sa Kaban ay may mana. Nang ang bayan ng Israel ay naroon sa ilang ng 40 taon, nagpadala ang Diyos ng pagkain mula sa mga langit, at namuhay ang mga Israelita sa pagluluto nitong mana sa iba’t ibang paraan. Ito’y tulad ng maputing buto ng “coriander,” at ang lasa’y tulad ng mga tinapay na manipis na may pulut-pukyutan. Itong mana na binigay ng Diyos sa bayan ng Israel ang nagbigay-lakas sa kanilang mga buhay hanggang sila’y makapasok sa lupain ng Canaan. Sa gayon, marapat na itago ang pagkaing ito bilang alaala at ilagay sa isang palayok.
Sinasabi nito sa atin na tayo, mga mananampalataya ngayon, ay dapat ding kumain ng tinapay ng buhay na ang mga anak sa espirituwal ng Diyos ay dapat kumain habang narito sa lupa hanggang sila’y pumasok sa Langit. Nguni’t may mga oras na nais natin ang tinapay sa mundo, ito yaong mga aral ng mundo sa halip na ang Salita ng Diyos. Gayun man, ang mga anak ng Diyos ay dapat tunay at magpatuloy bago makarating sa espirituwal na lupain ng Canaan ay ang Salita ng Diyos, na siyang espirituwal na tinapay ng buhay na nagmumula sa Langit.
Ang isa’y di-napapagal sa pagkakaroon ng tinapay ng tunay na buhay. Kapag lalong taglay natin itong espirituwal na tinapay, lalong nagiging tunay na buhay sa ating mga kaluluwa. Nguni’t kung kakanin ang tinapay ng mga aral ng mundo sa halip ang Salita ng Diyos, ang ating mga kaluluwa sa huli’y mararating ang kamatayan.
Inutos ng Diyos ang bayan ng Israel na maglagay ng mana na nagmula sa mga langit sa isang palayok at itago ito. Tulad ng makikita sa Exodo 16:33, sinabi ng Diyos, “Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi.” Ang manang nagmula sa mga langit ay ang tinapay ng tunay na buhay para sa mga kaluluwa ng tao. “At ikaw ay pinapangumbaba Niya, at pinapagdamdam ka Niya ng gutom at pinakain ka Niya ng mana na hindi mo nakilala, ni nakilala ng iyong mga magulang upang Kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawa’t bagay na namumula sa bibig ng PANGINOON” (Deuteronomio 8:3).
Sino Kung gayon ang Tunay na Tinapay ng Buhay para sa Atin?
Ang bautismong tinanggap ni Jesu-Cristo upang akuin ang ating mga kasalanan sa Kanyang katawan at Kanyang pagpapako at pagdanak ng dugo ay ang ating tinapay ng tunay na buhay. Sa pagbibigay sa atin ng Kanyang laman at dugo, si Jesu-Cristo ay naging tinapay ng walang hanggang buhay. Tulad ng sinabi sa atin ni Juan 6:48-58: “Ako ang tinapay ng kabuhayan. Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang at sila’y nangamatay. Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit upang ang taong makakain ay huwag mamatay. Ako ang tinapay ng buhay na bumabang galing sa langit, kung ano sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailanman, oo at ang tinapay na Aking ibibigay ay ang aking laman sa ikabubuhay ng sanglibutan. Ang mga Judio nga’y nangagtatalo na nagsasabi, ‘Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang Kaniyang laman?’ Sinabi nga sa kanila ni Jesus, ‘Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang Kaniyang dugo ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay may buhay na walang hanggang at siya’y Aking ibabangon sa huling araw. Sapagka’t ang Aking laman ay tunay na pagkain at ang Aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay nananahan sa Akin at Ako’y sa kaniya. Kung paanong sinugo Ako ng Amang buhay at Ako’y nabubuhay dahil sa Ama, gayon din naman ang kumakain sa Akin, siya nama’y mabubuhay dahil sa Akin. Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng mga magulang na nagsikain at nangamatay ang kumakain ng tinapay naito ay mabubuhay magpakailanman.”
Sinabi ng ating Panginoon, “Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng mga magulang na nagsikain at nangamatay ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Ano “ang tinapay na bumabang galing sa langit”? Ito ay ang laman at dugo ni Jesus. Sa Biblia, ang laman ni Jesus ay sinasabi sa atin na inako ni Jesu-Cristo ang mga kasalanan ng mundo sa pagbautismo ni Juan sa Ilog Jordan. At ang dugo ni Jesus ay sinasabi sa atin na dahil binautismo si Jesus, Kanyang pinasan ang mga kasalanan ng mundo at tiniis ang hatol ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpapako.
Ang mana sa palayok na inilagay sa loob ng Kaban ng Tipan ay ang tinapay ng buhay para sa mga Israelita nang sila’y nasa ilang, at sa panahon ng Bagong Tipan, ang espirituwal na kahulugan ay tumutukoy sa laman ni Jesu-Cristo. Pinakikita ng katotohanang ito ang bautismo kung saan inako ni Jesu-Cristo ang mga kasamaan ng lahat ng makasalanan at sa dugong Kanyang binubo sa Krus. Dahil inako ni Jesu-Cristo lahat ng kasalanan ng mundo sa Kanyang katawan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo at pagdanak ng Kanyang dugo at namatay sa Krus, ang Kanyang bautismo at pagdanak ng dugo ay naging walang hanggang bukal ng bagong buhay na magsisilang muli sa mga mananampalataya.
Ang laman na inalay ni Jesus upang kunin ang mga kasamaan ng mga makasalanan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo at dugong Kanyang binubo sa Krus ay ang mga tinapay ng buhay na magtutulot sa lahat ng makasalanan na mapatawad sa kasalanan. Samakatuwid dapat nating malaman ang dahilan bakit sinabi ni Jesus, “maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang Kaniyang dugo ay wala kayong buhay sa inyong sarili” (Juan 6:53).
Sinong Nakahihigit?
Kapag ating titignan ang Juan 6, makikita nating karamihan sa mga Judio ay kinilala si Moises na nakahihigit kaysa kay Jesus. Nang naparito sa lupa si Jesus, tinanong nila sa Kanya, “Dakila Ka pa baga sa aming amang Moises?” Sa katunayan, kinikilala nila si Moises na dakila sa lahat. Dahil nabigo ang mga Judio na kilalanin si Jesus bilang Mesias, nakita nila Siya bilang isang masakit sa mata. Kaya sila’y naghamon sa Kanya sa pagtatanong, “Dakila Ka pa baga sa aming amang Moises?”
Ang bayan ng Israel ay naniniwala sa Yahweh Diyos, at dumating ang isang lalaki na may gulang lamang na 30 ay umaaking, “Hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at ngangamatay, ang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Ito kung bakit kanilang pinaghambing ang kapangyarihan ng dalawa, si Moises at si Jesus.
Tulad ng inihayag ni Jesus pagkatapos, “Bago ipinanganak si Abraham, ay Ako nga,” Siya’y nakahihigit kaysa sinumang tao sa kasaysayan ng buong sangkatauhan, dahil Siya ang mismo ang Manlilikha. Paanong mangangahas ang mga nilalang na hamunin ang kanilang Manlilikha? Gayon man, nasasabi pa rin ng ibang tao na si Jesus ay isa lamang dakilang guro, isa lamang sa mga dakilang paham sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ito’y isang paglapastangan! Si Jesus ay Diyos, ang Hari ng mga hari, ang Manlilikha ng buong kalawakan. Siya ang makapangyarihan at Diyos ng karunungan. Nguni’t nagpakababa ng Kanyang sarili at naparito sa laman ng isang tao upang ikaw at ako’y maligtas sa lahat nating kasalanan at walang hanggang kamatayan, upang maging ating tunay na Tagapagligtas.
Sinabi ni Jesu-Cristo, “Nasusulat sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Dios.’ Ang bawa’t nakarinig sa Ama, at natuto ay lumalapit sa Akin. Hindi sa ang sinoma’y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggagaling sa Dios, Siya ang nakakita sa Ama.” Sa huli’y, ganap na sinabi ni Jesus na Siya ang Cristo na hinihintay ng mga Judio. Nguni’t sila’y nabigong unawain ang sinasabi ni Jesus, hindi naniniwala ni tinatanggap, at ito’y nagdulot ng isang seryosong di pag-uunawaan, at sila’y nagtaka, “Paano maibibigay sa amin ang Inyong laman upang kainin? Sinasabi ba Ninyo na matatamo namin ang walang hanggang buhay kung aming kakainin ang Inyong laman at iinumin ang dugo? Wari Ninyo ba kami ay mga uri ng mga kanibal dito?”
Nguni’t yaong kumain ng laman ni Jesus at uminom ng Kanyang dugo ay mabubuhay magpakailanman. Ang laman ni Jesus ay ang tinapay ng buhay. Ang tunay na sangkap ng mana na inilagay sa palayok, ang tinapay ng buhay, ay ang laman at dugo ni Jesu-Cristo. Sa pagparito sa lupa at pag-alay ng Kanyang laman at dugo, tinulot ni Jesus na ating kanin ang tinapay ng buhay at kamtan ang walang hanggang buhay.
Paano kung gayon, makakain ninuman ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo? Ang tanging paraan upang kanin ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo ay ang manalig sa bautismo ni Jesus at sa Kanyang dugo sa Krus. Dapat nating kanin ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo sa pamamagitan ng pananampalataya magpakailanman sa Kaharian ng Langit, inalis ng Panginoon ang ating mga kasalanan nang minsan sa pagbabautismo at pagdanak ng Kanyang dugo, at Siya nga’y naging pagkain para sa ating mga kaluluwa. Ngayon, sa pananalig sa Salita ng Diyos sa tubig at sa Espiritu, dapat nating kanin itong espirituwal na pagkain at kamtan ang walang hanggang buhay.
Hayaan ninyong lalo kong detalyeng ipatotoo kung paano natin makakain ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo. Yamang lubos nating nalalaman, si Jesus ay naparito sa lupa at inako ang mga kasalanan ng sangkatauhan nang bautismuhan ni Juan sa gulang na 30, at sa gayon, Kanyang tiniis lahat ng hatol ng ating mga kasalanan sa pagdanak ng dugo sa kamatayan sa Krus. Sa pananalig sa katotohanang ito ating makakain ang Kanyang laman at inumin ang Kanyang dugo. Ang paghuhugas ng kasalanan ay natupad habang ang mga kasalanan ng mundo’y inilipat sa katawan ni Jesus sa pamamagitan ng bautismong Kanyang tinanggap. Sa pag-inom ng Kanyang dugo’y nangangahulugan na sa bautismo ni Jesus at pagdanak ng Kanyang dugo sa Krus, itong dugo na Kanyang binubo ang nagtiis sa hatol ng ating mga kasalanan.
Sa gayon, ang nanalig sa dugo ni Jesus sa kanilang mga puso ay napukaw ang kanilang uhaw, dahil ang hatol ng lahat nilang kasalanan ay lubos na nagwakas sa pamamagitan ng parusa sa Krus na tiniis ni Jesus. Dapat nating malaman ang katotohanang ito. At dapat tayong manalig dito. Dahil naparito si Jesu-Cristo sa lupa at inako ang ating mga kasalanan sa pagbautismo ni Juan, sa pananalig sa katotohanang ito lahat ng ating kasalanan ay nahugasan nang minsan.
Sinabi ng Diyos sa atin na kanin ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo sa pamamagitan ng pananampalataya. Dahil inako ni Jesus ang lahat ng kasalanan sa pamamagitan ng bautismong tinanggap Niya mula kay Juan, dala ang mga kasalanan ninuman, at dahil Kanyang inalay ang Kanyang katawan sa parusa ng Krus at nagbubo ng Kanyang mahalagang dugo, ang mga puso ng nanalig ngayo’y malinis na at di na nauuhaw, yamang nahugasan ang lahat nilang kasalanan at tiniis lahat ng hatol ng kasalanan dulot ng pananampalataya. Kaya sinabi ni Jesus, “Sapagka’t ang Aking laman ay tunay na pagkain at ang Aking dugo ay tunay na inumin” (Juan 6:55).
Higit na tiyak, itong si Jesus ay ang Tagapagligtas nga, ang Anak ng Diyos na naghugas ng ating mga kasalanan at nagtiis ng hatol ng ating mga kasalanan. Upang palayain tayo sa kautusang nagsasabi na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, upang hugasan lahat ng ating kasalanan at palayain tayo sa lahat ng hatol, Siya, ang Tagapagligtas at Anak ng Diyos ay inalay ang Kanyang sariling katawan sa Krus, nagbubo ng Kanyang dugo at hinugasan ang mga puso ng mga nanalig at napukaw ang kanilang uhaw. Ito ang resulta ng laman at dugo ni Jesus.
Si Jesus ay ang Tagapagligtas na nag-alis ng mga kasalanan at hatol ng sangkatauhan. Si Jesus ay ang Tagapagligtas na umako ng mga kasalanan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng bautismong Kanyang tinanggap, napako at nagdanak ng Kanyang dugo upang tiisin ang hatol nitong mga kasalanan. Dahil si Jesus ay inako ang mga kasalanan ng mundo na inilipat sa Kanya mula sa atin na ang parusa ng kasalanan na Kanyang tiniis sa pagpapako ay naging parusa ng ating sariling mga kasalanan.
Sa pamamagitan ng pananalig sa katotohanan ng tubig at ng Espiritu tayo’y napatawad sa kasalanan. Lahat kayo’y dapat na manalig sa bautismo ni Jesus at sa Kanyang dugong dumanak bilang inyong sariling kapatawaran sa kasalanan. Dahil sa ebanghelyong ito ng katotohanan ating espirituwal na makakain at maiinom ang laman at dugo ni Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig, sa ibang salita, naparito sa lupa si Jesu-Cristo na Anak ng Diyos, inako ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo, at tiniis lahat ng hatol ng ating mga kasalanan sa Krus upang tayo’y maging yaong makakakain ng Kanyang laman, maiinom ang Kanyang dugo at sa gayo’y makamtan ang walang hanggang buhay. Sa pananalig sa bautismo at pagdanak ng dugo ni Jesus, atin ngayong makakain ang Kanyang laman at maiinom ang Kanyang dugo. Sa pagkain sa bautismo ni Jesus at ang dugong Kanyang binubo sa Krus bilang ating sariling pagkain ng kapatawaran ng kasalanan, tayo’y matutubos sa lahat nating kasalanan. Sa pamamagitan nitong pananampalataya tayo’y mapapatawad sa mga kasalanan, maging anak ng Diyos at manirahan sa Kaharian ng Diyos magpakailanman.
Ang Tungkod ni Aaron na Namulaklak
Sa mga bagay na inilagay sa loob ng Kaban ng Tipan, ang tungkod ni Aaron na namulaklak ay tumutukoy kay Jesu-Cristo bilang walang hanggang Mataas na Saserdote ng Kaharian ng Langit. Sinasabi rin sa atin na ang walang hanggang buhay ay makikita sa Kanya. Upang padaliin ang ating unawa rito, ating tignan ang Mga Bilang 16:1-2: “Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben ay nagsikua ng mga tao. At sila’y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog.”
Sinasabi sa atin nitong salaysay na sa mga Levita, 250 tanyag na mga pinuno ng kapisanan sa pagpili at tumayo sa harapan ni Moises. Sinabi nila, “Anong magagawa ninyo, Moises at Aaron, sa amin sa pangunguna palabas ng Ehipto? Binigyan ninyo ba kami ng mga ubasan? Dinala ba ninyo kami sa isang oasis? Anong nagawa ninyo sa amin? Hindi ba ninyo kami dinala sa ilang lamang upang mamatay sa buhangin pagkatapos? Sa inyo lamang ba kumikilos ang Diyos?” Nagsi-alsa, sa ibang salita, ang isang rebelyon laban sa pamumuno ni Moises at Aaron.
Sa panahong yaon, sinabi ng Diyos kay Core, Dathan, Hon at sa ibang pinuno ng kapisanan na namuno sa rebelyon, “Kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawa’t sangbahayan ng mga magulang, isulat mo ang pangalan ng bawa’t isa sa kaniyang tungkod. At iyong ilagay sa tabernakulo ng kapisanan.” At sinabi ng Diyos, “At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin ay mamumulaklak ang kaniyang tungkod at Aking ipatitigil sa Akin ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang iniupasala laban sa inyo” (Mga Bilang 17:5). Sa talatang 8 ay makikita na “ang tungkod ni Aaron sa sangbahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.”
Pagkatapos sa talatang 10, ating makikita, “At sinabi ng PANGINOON kay Moises, ‘Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo upang ingatang pinakatanda laban sa mga anak ng panghihimagsik upang iyong wakasan ang kanilang mga pag-upalsa laban sa Akin, upang huwag silang mamatay.’” Ganito namulaklak ang tungkod ni Aaron upang ilagay at manatili sa loob ng Kaban ng Tipan.
Dito’y pinakikita na si Aaron, isang lipi ni Levi, ay pinili bilang Mataas na Saserdote ng bayan ng Israel. Si Moises ay ang propeta ng Diyos at si Aaron at ang kanyang mga lipi’y ay ang mga Matataas na Saserdote ng bayan ng Israel. Ang Diyos mismo ay pinagkatiwala ang mga tungkulin ng makalupang Mataas na Saserdoteng si Aaron. Pinakita ng Diyos ang paraan ng paghahandog kay Moises, kung saan ang bayan ng Israel ay madadala ng haing handog at ihahandog nila sa Diyos sa tuwing sila’y magkakasala at Kanyang ginawa si Aaron na tagapangasiwa sa paghahandog ayon sa mga kailangan sa paraan ng paghahandog.
Kahit pa pinagkatiwala ng Diyos lahat ng mga tungkulin ng saserdote kay Aaron bilang Mataas na Saserdote, may mga tao pa rin ang maghahamon laban sa kanyang pagkasaserdote at kaya nagdala ang Diyos ng tungkod ni Aaron upang mamulaklak, pinakikita na ang kanyang pagkasaserdote ay nagmula sa Diyos. Pinatatago ng Diyos sa bayan ng Israel itong tungkod sa loob ng Kaban ng Tipan bilang alaala sa aral na ito. Itong dahilan sa dalawang tabletang bato ng Kautusan, ang palayok na may mana at tungkod ni Aaron na namulaklak sa loob ng Kaban ng Tipan. Anong espirituwal na tinutukoy nitong tatlong bagay? Ito’y tumutukoy sa mga ministeryo ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas.
Anong mga Ministeryo ang Tinupad ni Jesu-Cristo upang Alisin Lahat ng Ating mga Kasalanan?
Una, Kanyang tinupad ang ministeryo ng Propeta. Siya ang Alpa at ang Omega. Nalalaman Niya ang pasimula at ang wakas at Kanyang tinuro sa ating lahat ukol sa una at sa huli. Nalalaman ng ating Panginoon kung anong mangyayari sa sangkatauhan, sa iyo at sa akin, kung tayo’y mananatiling makasalanan.
Pangalawa, si Jesus ay naging walang hanggang Mataas na Saserdote ng Kaharian ng Langit. Siya’y naparito sa lupa dahil hangad Niyang maligtas tayo sa kasalanan sa pamamagitan ng pagiging ating sariling Tagapagligtas, upang tayo’y ganap na maligtas sa pamamagitan ng pagiging ating tunay na Mataas na Saserdote ng Kaharian ng Langit.
Pangatlo, si Jesu-Cristo ay ating Hari. Hinayag ng Biblia. “At Siya’y mayroong isang pangalang nakasulat sa Kaniyang damit at sa Kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON” (Apocalipsis 19:16). Siya ang Manlilikha ng buong kalawakan, at sa gayo’y taglay ang karapatang maghari sa lahat ng bagay.
Lahat tayo’y dapat na malamang si Jesu-Cristo, Siyang ating Hari at Propeta na nagturo sa atin ng katotohanan ng kaligtasan sa kasalanan at ang walang hanggang Mataas na Saserdote ng Langit, ngayo’y naging ating tunay na Tagapagligtas.
Niligtas ka at ako sa kasalanan ng ating Panginoon, ginawa tayong bayan ng Diyos, Kanyang mga anak at Kanyang mga manggagawa at tinulot Niyang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ginawa Niya ang ating mga kaluluwa na isilang muli upang tayo’y magkaroon ng bagong buhay habang narito sa lupa, maaari Niyang ibangon ang ating mga katawan at manirahan tayo magpakailanman kasama Niya sa Langit. Sino si Jesu-Cristo na para sa akin at sa iyo? Siya ang ating tunay na Tagapagligtas. at si Jesu-Cristo ay ating Propeta, ating walang hanggang Mataas na Saserdote at ating Hari.
Bagaman hindi natin nais na sumuway sa kalooban ng Diyos, tayo’y di-sapat at mahina na walang magagawa kundi ang magkasala palagi. Kung patuloy tayong mamumuhay tulad nito, mamamatay tulad nito at pagkatapos ay haharap sa Diyos, anong nararapat na lugar para sa atin na puntahan? Langit ba o impiyerno? Kung lahat tayo’y hahatulan ayon sa Kautusang nagsasabi, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” hindi ba lahat tayo’y wawasakin? Siya na nagligtas sa gayong taong tulad natin mula sa kasalanan at kapahamakan at naging ating Tagapagligtas ay si Jesu-Cristo. Siya mismo ay naparito sa lupa, inibig tayo at naging Tagapagligtas na nagpalaya sa atin sa kasalanan, sa gayo’y naging Dakilang Pastol ng Kanyang tupa.
Sinasabi sa Juan 3:16, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang sinomang sa Kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Inibig ka at ako ng Diyos ng lubos na Siya mismo’y naparito sa atin sa lupa, binautismo upang akuin ang mga kasalanan ng mundo, pinako at namatay sa Krus, nabuhay na muli at sa gayo’y tunay na naging ating Tagapagligtas. samakatuwid, dahil sa pananalig kay Jesu-Cristo na naging Tagapagligtas sa ating mga puso, tayo yaong nahugasan sa kasalanan, nagtamo ang handog ng kaligtasan, nagtulot sa atin na maging anak ng Diyos at kamtan ang walang hanggang buhay.
May isang bagay na dapat nating sukdulang tiyakin upang manalig sa harap ng Diyos. Ito’y dahil inibig tayo ng Diyos, at upang alisin ang ating mga kasalanan, Siya’y naparito sa lupa sa pagkakatawang-tao, binautismo, namatay sa Krus, nabuhay na muli at sa gayo’y naging ating tunay na Tagapagligtas. Sa pagkain ng laman ni Jesus at pag-inom ng Kanyang dugo sa pamamagitan ng pananampalataya sa ating mga puso masasama sa atin ang walang hanggang buhay. Dahil walang ibang higit na malinaw sa katotohanang ito, wala tayong magagawa kundi ang tanggapin ito at manalig.
Dapat nating kanin ang laman ni Jesus at inumin ang Kanyang dugo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sinuman ay makakamit itong isang pananampalataya na kumikilala at naniniwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritung tinupad ni Jesus. Ano pa ang ating gagawin kundi ang manalig? Wala ng iba pa tayong gagawin kundi ang humarap sa Diyos. Madali tayong sumuway sa Diyos at magkasala. Nguni’t niligtas pa rin ng Diyos ikaw at ako mula sa lahat ng ating kasalanan nang minsan, dahil iniibig Niya tayong lahat.
Paano Winika ng Diyos ang Kanyang Kaligtasan sa Panahon ng Lumang Tipan?
Sa anong paraan, kung gayon, tayo’y niligtas ng Panginoon? Sa Lumang Tipan, Kanyang sinabi itong kaligtasan sa pamamagitan ng mga kulay na makikita sa pintuan ng Tabernakulo at mga damit ng mga Mataas na Saserdote. Ang mga kulay ng bughaw, kulay-ube at pulang sinulid at mapinong binurdang linong makikita sa pintuan ng Tabernakulo ay ang mga kapahayagang nagpapakita sa atin ng Kanyang ganap na kaligtasan. At sa mga dami ng Mataas na Saserdote, gintong sinulid ay isinama.
Ang bughaw na sinulid ay sinasabi sa atin na si Jesu-Cristo ay naparito sa lupa bilang ating Tagapagligtas at inako ang ating mga kasalanan sa pagbabautismo. Ang kulay-ubeng sinulid ay sinasabi sa atin na si Jesu-Cristo ang Hari ng mga hari at Diyos na Manlilikha ng buong kalawakan. Ang pulang sinulid ay sinasabi sa atin na inako ni Jesu-Cristo ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang bautismo, pinasan Niya ang mga kasalanan ng mundo at nahatulan sanhi ng mga ito sa Krus sa pamamagitan ng pagdanak ng Kanyang dugo at kamatayan, sa gayo’y binigay sa atin ang kaligtasang nagpalaya sa atin mula sa hatol ng lahat nating kasalanan.
Ang ibig sabihin ng mapinong binurdang lino ay ang detalyeng Salita ng Luma at Bagong Tipan na nagsasabi sa atin na naparito sa lupa ang ating Panginoon, nabautismo, namatay sa Krus, nabuhay muli at sa gayo’y inalis ang mga kasalanan ng ng mga tunay na nananalig, nilinis ang kanilang mga espiritu na kasingputi ng niyebe at niligtas sila. Ang ginto’y nagbabadya ng pananampalatayang nananalig sa ginawa ni Jesu-Cristo sa atin. Ito kung bakit nagniningning ang gintong sinulid. Ikaw at ako ay walang maipagmamalaki, nguni’t kung buong-puso tayong mananalig sa ginawa ni Jesu-Cristo, ang Diyos mismo at ang Anak ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga pagpapala at upang itangi Niya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa makatuwirang mga gawain na Kanyang ginawa. Ito ang sinasabi ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Tabernakulo.
Dapat nating malaman kung ano ang sinasabi ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kaban ng Tipan na inilagay sa loob ng Tabernakulo. Dapat nating malaman at manalig na naparito sa lupa si Jesu-Cristo, inako ang mga kasalanan ng sangkatauhan at lahat ng atin sa pamamagitan ng bautismo ni Juan Bautista, tiniis ang hatol ng ating kasalanan sa kamatayan sa Krus at nabuhay na muli. Sa Kaban ng Tipan, pinakikita ng Diyos na dapat tayong tunay na manalig kay Jesu-Cristo bilang ating sariling Tagapagligtas, bilang ating sariling Diyos. Yaong nanalig sa bautismo ni Jesus bilang pag-ako ng kanilang sariling mga kasalanan, sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa Krus bilang hatol ng kanilang mga kasalanan, sa kamatayan ni Jesu-Cristo bilang kanilang sariling kamatayan, sa Kanyang pagkabuhay muli bilang kanilang sariling pagkabuhay na muli-ito ang mga niligtas ng Diyos.
Kaya, sino ang tinutukoy nitong Tabernakulo? Ito’y tumutukoy kay Jesu-Cristo. Sinasabi sa atin ang paraan ng kaligtasan kung saan niligtas ni Jesu-Cristo ikaw at ako sa ating mga kasalanan. Sa Bagong Tipan, binautismo si Jesu-Cristo at namatay sa Krus, sa gayo’y inalis lahat nating kasalanan, hinugasan lahat ng mga ito, hinatulan dahil sa lahat nating karumihan at tayo’y niligtas sa lahat ng kasalanan nang minsan.
Sa Lumang Tipan, ang haing handog na nagligtas sa mga makasalanan sa pamamagitan ng pag-ako ng kanilang mga kasalanan habang ang kanilang mga kamay ay nakapatong sa ulo nito, at sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo nito at mamatay. Nilalarawan sa Lumang Tipan ang kamatayan ng haing handog na nag-alis ng mga kasalanan nitong mga makasalanan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at namatay alang-alang sa atin bilang kamatayan ng pagtutubos. Ang paraan ng paghahandog ng pagtubos ay makikita sa Lumang Tipan, siyang kawangis sa Bagong Tipan, ay tumutukoy kay Jesu-Cristo, ang tagatupad ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu na naparito sa bautismo at dugo.
Sino kung gayon, ang gumawa at nagtakda nitong kautusan ng kaligtasan? Ang Diyos na ating Panginoon ang nagtakda. Tinalaga ng Diyos ang kautusan ng kaligtasang magpapalaya sa mga makasalanan sa kasalanan, at Kanyang binigay itong kautusan sa atin. Sa Kaban ng Tipan kung saan ang dalawang tableta ng Kautusan, ang palayok ng mana at ang tungkod ni Aaron na namulaklak at lahat nitong mga bagay na sinabi sa atin ukol sa mga katangian at mga ministeryo ni Jesu-Cristo.
Ang tungkod na namulaklak ay sinasabi sa atin na niligtas tayo ng Diyos nang tayo’y manalig kay Jesu-Cristo na naging espirituwal na Mataas na Saserdote ng Kaharian ng Langit at naging ating Dakilang Pastol. Ang palayok ng mana ay sinasabi rin sa atin ukol sa laman at dugo ni Jesu-Cristo na naging ating tinapay ng buhay. Ang dalawang tabletang bato ng Kautusan ay sinasabi rin sa atin na ang Diyos ay ang Mambabatas. Ang mga kautusang tinalaga ng Diyos ay ang mga kautusan ng kasalanan at ng kamatayan at ang kautusan ng kapatawaran ng kasalanan at kaligtasan. Bilang ating Diyos, tinalaga ni Jesus ang kautusan ng buhay at ang kautusan ng hatol sa atin.
Tulad nito, ang Kaban ng Tipan ay bawa’t bagay lahat ay sinasabi sa atin ukol kay Jesu-Cristo. Sa pananalig kay Jesu-Cristo bilang ating Tagapagligtas tayo’y malilinisan sa lahat nating kasalanan at kamtan ang kaligtasan. Anuman ang ating kakulangan at kahinaan, kung ating tatanggapin at susundin ang dalawang kautusan na tinalaga ni Jesu-Cristo, tayo nga’y makasalanan nang minsan at pagkatapos ay magiging matuwid dahil sa kapatawaran ng lahat nating kasalanan at sa gayo’y magiging bayan ng Diyos. Nananalig ka ba rito?
Ngayon sa kasalukuyang panahong ito, halos lahat ng mga Kristiyano sa buong mundo ay kilala sa paniniwala kay Jesus sa walang kabuluhan, dahil hindi nila nalalaman ang katotohanang nahayag sa Tabernakulo. Naniniwala na sila’y napatawad sa kasalanan dahil lamang sa pananalig sa dugo ni Jesus sa Krus. Sila’y nananalig, sa ibang salita, na niligtas lamang sila ni Jesus sa pamamagitan ng dugo sa Krus. Nguni’t si Jesus ba sa katotohana’y namatay lamang sa Krus para sa ating kaligtasan? Ito lang ba ang Kanyang ginawa para sa ating katubusan? Hindi, salungat nito, inako lahat ng kasalanan ng mundo nang minsan sa pamamagitan ng bautismo ni Juan (Mateo 3:13-15, 1 Pedro 3:21, 1 Juan 5:6)?
Nguni’t ang mga Kristiyano ngayo’y naniniwala lang sa dugo ni Jesus sa Krus, kalahating kapatawaran sa kasalanan. Sa pagtutubos ng kanilang orihinal na kasalanan dahil sa pananalig kay Jesu-Cristo bilang Tagapagligtas, sila’y nangungumpisal araw-araw sinisikap na mahugasan ang kanilang mga kasalukuyang kasalanan sa kanilang sariling paraan. Anong pagsalungat itong kaligtasan? Ito’y tulad ng paghuhugas lang ng kalahati nilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagkatapos ay sinisikap na hugasan ang nalalabi sa pamamagitan ng kanilang mga sariling pagsisikap.
Kung ito ang mangyayari, paanong hindi ko matutulungan kundi ang patuloy na ipangaral ng paulit-ulit na paghahatid ng bautismo at dugo ni Jesus? Hanggang ngayon, maraming Kristiyano sa mundong ito, malayo sa panahon ng mga Kristiyano sa Naunang Iglesia, ang naniwala sa kalahating kaligtasan. Hindi ba’t ito kung bakit ang tao ngayo’y naniniwala sa Kristiyanismo bilang isang makalupang relihiyon lamang?
Hindi malayong panahon, isang babaeng nagngangalang Valeria Jones mula sa Estados Unidos ang napatawad sa kasalanan matapos mabasa ang unang bahagi nitong serye ng Tabernakulo. Bago niya basahin itong aklat, kanya ng nabasa ang aking ibang mga babasahin. Bagaman siya’y sumang-ayon sa sinasabi ng aking mga aklat, hindi siya lubos na nagtitiwala sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Sinabi niya sa amin na siya’y may alinlangan pa rin, nagtataka, “Waring ang mga ito’y tama, nguni’t bakit maraming tao ang hindi nangangaral nito?” Nguni’t kanyang inamin nang kanyang matapos basahin ang unang bahagi ng serye ng Tabernakulo, nagkaroon siya ng malinaw na pananampalataya sa kaligtasan, pananalig na ang ebanghelyo ng tubig ay wasto, na ito ang pinaka-katotohanang nahayag sa Tabernakulo.
Isang mambabasa ng gayon ding aklat mula ang sumulat din sa amin, “Kayo’y lubos na mamanghang malaman na matapos mapatawad sa kasalanan dahil sa pagbabasa ng inyong aklat, akin ngayon nilisan ang aking iglesia. Bakit ko nilisan ang iglesiang dinadaluhan ko? Dahil pinangangaral nila ang doktrina ng unti-unting pagbabanal, isang bagay na hindi tinuturo ng Biblia. Itong doktrina ng unti-unting pagbabanal ay ganap na hindi biblikal. Sa patuloy nilang pangangaral na ako’y dapat at magiging banal sa katotohanang ang aking laman kailanma’y di magiging banal, mahirap para sa akin na kayanin ang maupo at pakinggan ang gayong mga sermon.
Ito kung bakit nilisan ko itong iglesia at hiniwalay ang aking sarili. Dahil napatawad ako sa aking mga kasalanan sa pagbasa ng inyong aklat, wala akong magagawa kundi ang iwan ang iglesia na aking dinadaluhan at hiniwalay ang aking sarili mula ngayon. Bilang tayo na dumaan sa lahat ng ito ngayo’y naging mamamayan ng pananampalataya at pinag-isa ang ating mga sarili sa Iglesia ng Diyos, lahat ng tao nitong mundo ay maaaring magbago rin kung nalalaman lang nila ang katotohanan, tulad ng sinasabi ng Salita, ‘At inyong makikilala ang katotohanan at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.’”
Ang Kaban ng Tipan sa Tabernakulo’y hinahayag din si Jesu-Cristo. Itong Kaban ng Tipan ay inilagay sa pinakalooban ng Tabernakulo. Makikita laman ito sa pamamagitan ng pagtaas ng tabing ng Tabernakulo at makapasok dito, at sa pagtaas ng tabing ng Kabanalbanalang Dako at pagpasok dito. Sa ibang salita, ang pintuan ng Tabernakulo ay naroon sa silangan, at ang Kaban ay inilagay at dulong silangan ng Tabernakulo.
Ang mga Pingga ay Di Maaaring Alisin sa Kaban
Sa Exodo 25:14-15 ay sinasabi, “At inyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban upang mabuhat ang kaban. Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban, hindi aalisin doon.” Anong kahulugan nitong mga talata? Sa mga talatang ito, sinasabi ng Diyos sa atin na dapat tayong maglingkod sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu sa paglalaan ng ating mga sarili sa Kanya. Mapapalawig lang ang ebanghelyo kung ating ilalaan ang ating mga sarili sa Kanyang gawain. Upang makapaglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglaan ng ating mga sarili sa ebanghelyo ay ang pagsunod sa daan ng Krus na dinaanan ng ating Panginoon. Kanya Kanyang sinabi sa Kanyang mga alagad, “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa Akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa Akin” (Marcos 8:34).
Upang mapalawig ang tunay na ebanghelyo sa buong mundo, malaking sakripisyo, pagsisikap at kahirapan ang hinihingi. Makikita natin ito mula sa gaano naghirap si Apostol Pablo para sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu: “Sila baga’y mga ministro ni Cristo? (ako’y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako sa pagpapagal ako’y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit. Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa. Makaitlong ako’y hinampas ng mga panghampas, minsan ako’y binato, makaitlong ako’y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako’y nasa kalaliman ng dagat. Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid. Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas sa ginaw at kahubaran. Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia” (2 Corinto 11:23-28).
Subali’t, yaong umiibig sa kanilang sarili higit kaysa sa Panginoon na naghandog na Kanyang sarili upang palayain sila mula sa lahat ng hatol ay hindi maaalay ang kanilang mga sarili para sa Kaharian ng Diyos. Walang madaling paraan upang makapaglingkod sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Paano makaaasa ang magsasaka na magkaroon ng magandang ani kung walang pagpapawis?
Tulad nito, ang Kaban ng Tipan ay dapat dalhin sa pamamagitan ng ating mga paghihirap. Minsan ay sinubukan ni Haring David na dalhin ang Kaban sa isang bagong karwaheng hila ng baka, sa halip na buhatin ang mga pingga ng kanyang mga tauhan. Sa kanilang pagyao, natisod ang baka, at isang taong si Uzza ay inabot ng kanyang mga kamay ang Kaban ng Tipan at hinawakan ito. Nagalit ang Panginoon kay Uzza, at sinaktan siya ng Diyos dahil sa kamalian. At doo’y namatay si Uzza dahil sa Kanyang Kaban (2 Samuel 6:1-7). Kaya si David, natakot sa Panginoon sa araw na yaon, inilipat ang Kaban sa kanya sa bahay ni Obed-edom ng Getheo. Tanging sa pamamagitan ng pagdadala ng Kaban sa balikat ng kanyang mga tauhan na kanyang madadala sa kanyang palasyo matapos ang tatlong buwan. Tulad ng pangyayari ito ay pinakikita, dapat nating buhatin ang Kaban ng Tipan tulad ng sinabi ng Diyos sa atin, sa pamamagitan ng ating pawis at dugo, ng ating mga sakripisyo, ng ating walang patid na paglalaan sa Kanyang ebanghelyo.
Yaong tunay na napatawad sa kasalanan na may malaking pasasalamat ay higit na masaya na ilaan ang kanilang mga sarili sa Panginoon na naghandog ng Kanyang sarili sa atin. Paulit-ulit ang pasasalamat sa Panginoon, na ating Tagapagligtas at Diyos. Pinasasalamatan natin Siya sa pagtulot sa atin na maglingkod sa ebanghelyo dito sa lupa.
Tayong lahat ay mangha at lubos ang ligaya sanhi nitong katotohanan ng animo’y pangarap, na pinili tayo ng Panginoon upang maglingkod tayo sa ebanghelyo ng katotohanan, upang sumunod sa Kanya at mamuhay ng uri ng buhay na nagbibigay lugod sa Kanya. Pagtulot sa atin na malaman ang katotohanan ng kaligtasan ay sapat na upang mapuspos ang ating galak, subali’t pinahintulot ng Panginoon tayo na maglingkod sa ebanghelyong ito. Sa pagbibigay ng gayong dakilang mga pagpapala, paanong hindi natin pasalamatan Siya? Binibigay natin lahat ng ating pasasalamat sa Diyos. Kanya tayo’y handang maglaan ng ating mga sarili sa pagpapalawig ng tunay na ebanghelyo, walang nililibang oras, pagsisikap o mga pag-aari natin para sa banal na gawaing ito ng ebanghelismo sa mundo.
Na tayo’y napatawad sa kasalanan, sa katunayan, ay isang bagay kung saan tayo’y walang humpay na nagpapasalamat. Nguni’t hindi tumigil ang Diyos dito, bagkus Siya’y lubos na makilala natin at palawigin ang ebanghelyo ng katotohanan, ang ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu—ano ito kundi isang dakilang pagpapala sa atin?
Sino ang mangangahas na maglingkod nitong ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu? Hindi lahat ay maaaring maglingkod nitong ebanghelyo? Maaari bang maglingkod ang mga politiko? Mga Mayor? Mga Pangulo? Mga hari? Gaano man katataas ng kanilang mga panlipunang posisyon, kung hindi nila nalalaman at hindi nananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu, hindi sila makapaglilingkod sa tunay na ebanghelyo. Nguni’t binigay ng Diyos ang gayong di-nararapat na pagkakataon at tinulot tayo na maglingkod sa ebanghelyong ito. Anong dakilang pagpapala ito?
Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa biyayang nagligtas sa atin, dahil Kanya tayong inibig. Mga kapatid, nananalig tayo na si Jesu-Cristo ay ating Diyos at Tagapagligtas. Tayo ang bayan ng Diyos na kumain ng laman ni Jesus at uminom ng Kanyang dugo sa pamamagitan ng ating espirituwal na pananampalataya. Sinabi ng Biblia na si Jesus ay hindi ang Diyos ng kamatayan, kundi ng nabubuhay (Lucas 20:38) at ang nabubuhay dito walang iba kundi yaong nagtamo ng walang hanggang buhay dahil sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Sinuman ang hindi nananalig sa katotohanan nitong ebanghelyo ay patay ang espiritu, at sinuman ang nananalig ay buhay sa espiritu. Ang Diyos nga ay Diyos ng mga nananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu.
Mga kapatid, si Jesus mismo ang nagbigay sa atin ng kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang sariling laman at dugo. Dapat mong mabatid na kung hindi ka nananalig sa katotohanang ito, kung gayon wala kang kaugnayan kay Jesus. Binibigay sa iyo ni Jesus ang makalangit na pagpapala, walang hanggang buhay at ang kapatawaran sa iyong mga kasalanan. Sino ang Siyang naging Pastol na naggawad sa iyo ng walang hanggang mga pagpapala, na umaakay at kumakalinga sa iyo? Ito si Jesu-Cristo ang Tagatupad ng ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu. Si Jesus ay ang Diyos. Nawa at dalangin ko na bawa’t isa sa inyong lahat ay manalig kay Jesus bilang inyong Diyos.
Para sa akin, hindi lamang ako nananalig sa katotohanang ito at naglilingkod sa Diyos ngayon, nguni’t patuloy kong gagawin sa hinaharap. Nguni’t paano ikaw? Nananalig ka ba sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu? At nananalig ka ba na kailangan kang manahan sa Iglesia ng Diyos at ang pag-ibig ni Cristo sa pamamagitan ng iyong pananampalataya? Tayong lahat ay mamuhay sa pananalig sa ebanghelyo ng tubig at ng Espiritu hanggang sa araw na salubungin natin ang Panginoon.